Showbiz News

Kapuso broadcast journalists, magtuturo sa mga teacher-broadcaster ng DepEd TV

By Marah Ruiz

Nakapili na ang Department of Education ng 107 teacher broadcasters para sa school year 2020 to 2021.

Sila ang maghahatid ng mga leksyon sa pamamagitan ng telebisyon sa mga lugar na walang internet access.

Para magabayan ang mga guro na hindi sanay humarap sa camera, humingi ng tulong ang DepEd sa ilang kilalang personalidad sa brodcast media.

Kasama dito ang multi-awarded broadcast journalist na si Jessica Soho.

Isang karangalan daw para sa kanya ang maging bahagi ng proyekto dahil ilang miyembro ng kanyang pamilya ay mga guro.

"Hindi ko alam kung kung may karapatan ang mga journalist na katulad ko na magturo sa inyo. Paano pa ba tuturuan ang mga nagtuturo? Gaya po ng nasabi na walang propesyon sa mundo na hihigit o mas dadakila pa sa pagtuturo. I say this with pride becasue I come from a family of educators. On both sides of the family are a number of teachers," bahagi niya.

Para kay Jessica, may ilang pagkakatulad ang journalism at pagtuturo.

"Sa totoo lang po, wala tayong masyadong pinagkaiba. Journalists have three basic functions or task: to inform, to enlighten, and like you dear teachers, to educate. We also have the same method of teaching, by telling stories. Welcome to your new normal, dear teachers. Kayo rin po, simula sa school year na ito, ay mga TV producers at content generators na rin," aniya.

Bukod sa kanya, kasama din sa magtuturo sa mga guro sina Arnold Clavio, Kara David, Sandra Aguinaldo, at Atom Araullo.

Samantala, kabilang ang dalawang digital channels ng GMA sa mga network na magpapalabas ng episodes ng DepED TV.

Ipapalabas ang mga episodes mula Lunes hanggang Sabado, 7:00 am to 7:00 pm. Magkakaiba ang timeslot para sa magkakaibang grade levels.

Tatagal naman ng 20 minutes and isang episode at may five minutes na break. Filipino at English ang mga lengwahe na gagamitin sa DepEd TV.