TV

Sanya Lopez, top choice ng GMA Network para sa title role ng 'First Yaya'

By Cherry Sun

Nakaramdam ng labis na kasiyahan at pagpapakumbaba si Sanya Lopez nang malaman niyang siya ang top choice para sa title role ng First Yaya.

Kinailangang maghanap ang production team ng First Yaya ng bagong aktres na gaganap sa title role matapos mag-back out ni Marian Rivera mula sa programa upang i-prioritize muna ang kanyang pamilya ngayong may COVID-19 crisis.

Pag-amin naman ng production team sa naganap na media conference ni Sanya ngayong araw, October 13, na hindi ito naging mahirap dahil nagkasundo silang bagay na bagay kay Sanya ang naturang role.

Pahayag ni Ali Dedicatoria, senior program manager ng First Yaya, “Unanimous actually 'yung pick namin na si Sanya will be bagay for the role. So nakita naman namin siya doon sa Haplos, sa Cain at Abel, at siyempre sa Encantadia.

"So we think na babagay siya doon sa role. So 'yun lang, our gut feeling at saka 'yung past shows niya that she did really well. Unanimous ang decision ng GMA 7 na si Sanya is fit for the role. Wala kaming second choice for her.”

Ito rin ang kinumpirma ng First Yaya director na si LA Madridejos.

Wika ng direktor, “Napakalaking bagay na ang daling maka-relate kay Sanya ng mga audience natin, kung paano niya dinala yung character niya mula sa Encantadia, sa Haplos, sa Dahil Sa Pag-ibig, sa Cain at Abel.

"Nakita namin 'yung progression kung paanong nagre-respond si Sanya sa challenges na binibigay sa kanya at ina-acknowledge po ng mga audience na naging fans niya. Nakita namin 'yun, and naisip namin na bagay na bagay sa character niya, sa personality niya si Yaya Melody kaya sabi nga po ni Ms. Ali, lahat kami nagkasundo, walang second choice, si Sanya dapat ang maging First Yaya.”

Ito raw ang unang beses na narinig ng Kapuso actress na siya ang top and only choice para sa kanyang bagong pagbibidahan primetime series.

Ani Sanya, “Alam n'yo po, totoo lang, first time ko po narinig 'yung wala silang second choice. Kumbaga parang nakakakilig kasi parang pakiramdam mo na sobra 'yung tiwala nilang ibinigay sa'yo, na hindi na sila parang nag-dalawang isip na 'Si Sanya.'

"Ganun 'yung pakiramdam, na ang sarap lang na ang daming taong nagtitiwala sa'yo. Kaya I'm very happy. Thank you, direk. Thank you po, Ms. Ali at sa buong production po. Thank you so much!”

Ikinuwento rin niya noong una ay hindi rin siya makapaniwalang sa kanya ibinigay ang title role.

Kuwento niya, “Actually tinanggal ako sa Lolong, so 'yung bad news muna. Sabi ko, 'Oh, bakit po?' Kasi alam ko magte-taping na rin kami talaga… And then dumating 'yung time na parang sinabi nila sa akin na, 'Kasi meron ka daw First Yaya.

"Sabi ko, 'O, talaga? Ako ba talaga? Parang na-shock ako kasi siyempre of course, Ms. Marian Rivera 'yun and parang hindi rin naman po ako nag-audition so sabi ko, 'Paanong ako?'

“Natutuwa po ako, sobrang saya. Sabi ko, merong mga bagay na inaalis sa'yo pero merong mga bagay talagang ibabalik na maganda. Kaya sobrang happy.”

Tila nasa cloud nine pa ang aktres dahil sa malaking project na ipinagkatiwala ng GMA sa kanya, pangako niyang lalo pang paghuhusayan ang pagbibigay-buhay sa kanyang role bilang Yaya Melody.

Sambit ni Sanya, “Meron kasi akong paniniwala na actually hangga't hindi pa nagsisimula 'yung taping, hangga't hindi ko pa napapanood 'yung sarili ko sa TV, hindi ko pa rin talaga iniisip na ako talaga si First Yaya. Pero pag dumating 'yung aktingan na, magsisimula na kami. Ibibigay ko po talaga, makikita niyo ako bilang inyong First Yaya.”

LOOK: Sanya Lopez's prettiest photos