Showbiz News

The success story of Viy Cortez and Cong TV

By Dianara Alegre

Mula sa payak na pamumuhay ay masasabi na ng vlogger at negosyanteng si Viy Cortez na malayo na ang narating niya sa mga pangarap niya sa buhay.

Ang lahat ng ito ay resulta ng kanyang pagsisikap sa buhay at sa tulong at gabay na rin ng boyfriend niyang vlogger na si Lincoln Velasquez o mas kilala sa tawag na Cong TV.

Source: viycortez (IG)

Sa ngayon ay mayroon na siyang sariling cosmetics line, food business, sasakyan at sariling bahay.

Pagbabahagi ni Viy sa Kapuso Mo, Jessica Soho, sinimulan niya ang negosyo niya mula sa Php10,000 na inutang pa niya kay Cong.

Ang nobyo rin niya ang nag-impluwensiya sa kanyang pasukin ang mundo ng vlogging.

Samantala, dahil isa sila sa mga sikat at hinahangaang couple vloggers ngayon, ibinahagi rin ng dalawa kung paano nagsimula ang kanilang love story.

Ani Viy, nakilala niya si Cong sa YouTube vlog nito. Dahil giliw na giliw siya sa content nito, nagdesisyon siyang i-chat at kausapin si Cong.

“Crush ko siya na may halong takot. Ini-chat ko siya kasi crush ko siya,” sabi ni Viy.

Napansin naman kaagad ni Cong ang chat ni Viy at hindi nagdalawang-isip na kausapin ang dalaga.

“Nagulat ako kasi sino 'tong magandang dilag na nag-chat sa akin. Sabi ko ang ganda nito. Pero nu'ng nakita ko siya sa personal, mas maganda!

“Pagkakita ko sa kanya, 'I love you' kaagad. The rest is history after nu'n. As time goes by, na-realize ko na ito talaga 'yung taong para sa 'yo,” kwento ni Cong.

Sabi pa ni Cong, kaya niya naisipang yayain si Viy na mag-vlog kasama niya ay para magkaroon sila ng mas mahabang oras para sa isa't isa.

“Madalas kaming nagkakalayo. So, umisip ako ng way para lagi na kaming magkasama.

“Naniwala lang din ako na balang-araw may mangyayari. At syempre 'pag may mangyayaring maganda sa 'yo, siyempre ang gusto mong kasama mo, 'yung mga mahal mo sa buhay,” aniya pa.

Kalaunan ay gumawa na rin ng sarili niyang YouTube channel si Viy, na ngayon ay mayroon nang 3,950,000 subscribers.

Pero kaakibat ng natatamo nilang kasikatan ay ang pambabatikos na natanggap nila mula sa ilan.

“Naaano ako sa mga nagba-bash, 'Naging boyfriend mo lang naman 'yang si Cong kasi may pera.'

“Hindi nila alam, wala pang kita talaga si Cong, kami na,” ani Viy.

Tunghayan ang love story ng vloggers na sina Cong at Viy at ang sabay nilang pag-abot ng kanilang mga pangarap sa espesyal na pagtatampok na ito ng Kapuso Mo, Jessica Soho: