
Isang kuwento ng pamilyang nanalo ng jackpot prize na Php25M sa 6/49 Lotto draw ang tampok ngayong Sabado sa "Malas-Swerte" episode ng bagong Wish Ko Lang.
Sina Divine, Katrina Halili, at Miggs Cuaderno sa 'Malas-Swerte' episode. / Source: @WishKoLangGMA (FB)
Dating vendor ng lomi ang mag-asawang Nora at Rex (Katrina Halili at Dominic Roco), at biglang magbabago ang kanilang buhay nang sila'y manalo ng jackpot prize sa Lotto.
Nakabili sila ng bahay at sasakyan at nakapagbahagi pa ng konting biyaya sa kanilang mga kapitbahay.
Sina Katrina Halili, Dominic Roco at Miggs Cuaderno bilang Lotto jackpot winners. / Source: @WishKoLangGMA (FB)
Ngunit matapos ang panandaliang saya at ginhawa, tila puro kamalasan naman ang sunud-sunod na dumating sa kanilang buhay.
Kasama rin nina Katrina at Dominic sa "Malas-Swerte" episode ang komedyanteng si Divine Aucina na gaganap bilang best friend ni Nora, at ang young actor na si Miggs Cuaderno na gaganap naman bilang kanilang anak.
Lotto jackpot winners, minalas matapos manalo? / Source: @WishKoLangGMA (FB)
Ayon kay Katrina, nasubukan niya nang tumaya sa Lotto ngunit hindi pa siya nanalo. At ikinuwento ni Katrina kung ano ang kanyang gagawin kung sakaling tamaan niya ang jackpot prize sa Lotto.
“Isesekreto ko kapag nanalo ako sa Lotto, kasi hindi natin maiiwasan ang inggit, na baka ikapahamak pa natin.”
Dagdag pa ni Katrina, “Naniniwala ako na meron talagang malas at swerte. Para sa'kin swerte ang isang tao kapag sunud-sunod na ang blessings na dumarating (sa kanya).”
Totoo kaya ang malas at swerte sa buhay ng tao? / Source: @WishKoLangGMA (FB)
Para naman sa comedienne-actress na si Divine, parte raw talaga ng buhay ang minsang minamalas ang isang tao, at sinabi rin niya kung ano sa tingin niya ang dapat gawin kung sakaling malasin ka.
“Sa tingin ko hindi maiiwasan ang malas, darating at darating talaga 'yun, process ng buhay 'yun eh. Balanse ng buhay yun eh.
“Eh di kapag minalas, hayaan mo lang dumaan. 'Wag ka nang tumambay. Dapat bawi agad and redeem yourself.”
Ibinahagi rin ni Divine kung ano ang gagawin niya kung sakaling manalo siya sa Lotto.
“Oh my god! Ang sarap isipin. Bibili ako ng isla sa Palawan! At bibigyan ko ang immediate family ko ng tig-iisang lupa at bahay. Isama mo na educational plan para sa mga pamangkin!”
Ano ang gagawin mo kung manalo ka ng jackpot prize sa Lotto? / Source: @WishKoLangGMA (FB)
Para naman kay Dominic, hindi siya naniniwala sa konsepto ng malas at swerte at hindi pa rin niya nasusubukang tumaya sa Lotto.
Ngunit may pangyayari na raw sa buhay niya na pakiramdam niya ay parang nanalo na rin siya ng Lotto jackpot prize.
“Yung pinaka-jackpot sa buhay ko (ay) nung nanalo ako ng award," sagot ni Dominico.
Maaaring tinutukoy ni Dominic ang kanyang Best Actor award mula sa QCinema International Film Festival na kanyang napanalunan noong 2015 para sa kanyang pagganap sa pelikulang Sleepless.
Ang batang aktor naman na si Miggs, ibinahagi kung ano para sa kanya ang kahulugan ng pagiging “swerte” ng isang tao.
“Sa palagay ko po swerte siya 'pag buo ang family niya, may love, peace of mind at pagtutulungan sa family.
"Sa lahat ng ginagawa nila, (may) support po. Kahit hindi sobrang mayaman, basta sama-sama sa hirap at ginhawa at masaya, palagay ko po 'yun ang swerte.”
Huwag palampasin ang 'Malas-Swerte' episode ng bagong Wish Ko Lang ngayong Sabado, alas 4 ng hapon sa GMA-7.
RELATED:
Manood ng 'Wish Ko Lang' at manalo ng gadgets at GMA Affrodabox!
Spread good vibes and hope this pandemic with 'Wish Ko Lang' Viber stickers