TV

EXCLUSIVE: Sanya Lopez, komportable bang maipares sa mature leading men?

By Cherry Sun

Hindi raw issue kay Sanya Lopez na maipares siya sa mga mature sa kanya. Sa halip, mas nagpapasalamat pa ang Kapuso actress para sa pagkakataong maging leading lady nga mga beterano na sa industriya.

Dalawang malaking proyekto ang nag-aabang para kay Sanya. Ipinagkaloob kasi sa kanya ang kanyang kauna-unahang title role sa First Yaya kung saan makakapareha niya si Gabby Concepcion. Maliban dito, gaganap din siyang leading lady ni Bong Revilla para sa Agimat ng Agila.

Aniya sa kanyang exclusive interview sa GMANetwork.com, walang problema kung mas nakakatandang leading men ang kanyang katrabaho ngayon.

Wika niya, “Kung iisipin ko lang kung ano 'yung ako dati na parang, 'Ha, talaga ba?' tapos ngayon pina-partner na ako sa mga mature actors natin.

“I'm very happy na binigyan ako ng GMA ng opportunity na talagang mai-partner sa kanila, sa mga veteran na din. At parang 'yun, sa gagawin ko lang talaga is galingan ko lang talaga kapag pinartner ako sa mga taong ito dahil alam naman nating mahuhusay sila. 'Yun, medyo nakakakaba actually dahil nga kumbaga nag-e-expect din 'yung tao dahil nga ako 'yung piniling i-partner sa kanila.”

Sa ilang taon ni Sanya sa showbiz ay marami na rin siyang naging leading men. Kasama na rito sina Rocco Nacino, Pancho Magno at Benjamin Alves.

Sambit niya, hindi rin issue na wala siyang nag-iisang ka-love team. Mas mahalaga raw ay naipapakita at naipaparamdam niya at ng kanyang on-screen partner ang kanilang chemistry sa mga manonood.

Pahayag ni Sanya, “Walang problem sa akin kung ito ay pang ngayon lang or sa mga susunod dapat siya pa din at siya pa din. Wala naman pong problem sa akin kasi mas tinitingnan ko 'yung character ko eh. Mas more on sa akin pa rin, na importante mag-work 'yung chemistry naming dalawa pag ako. Kailangan ko rin dalhin 'yun. Para bang mas kailangan kong galingan sa side ko na parang kahit sino 'yung ibigay sa akin, importante na mag-work 'yung chemistry naming dalawa. Ganun lagi.

“And if ever man na may ka-tandem, okay lang din naman po. Basta kung ano po 'yung ibigay sa akin ng GMA, talagang tatanggapin ko naman po.”

Panoorin ang kabuuan ng kanyang exclusive interview sa video sa itaas.