Showbiz News

Cherie Gil, Jon Lucas, at Rochelle Pangilinan, naranasan ang hagupit ng Bagyong Quinta sa Batangas

By Dianara Alegre

Sa kasamaang-palad ay inabutan ng Bagyong Quinta sa Batangas ang production team, crew at cast ng Tadhana.

Dahil sa lakas ng ulan at hanging dala ng bagyo, hindi natuloy ang dapat sana ay shooting nila.
Kasama sa cast ng naturang episode ng Tadhana sina Cherie Gil, Jon Lucas, at Rochelle Pangilinan.

Bakas sa mukha ni Cherie ang takot mula sa mapaminsalang hagupit ng bagyo sa ini-upload niyang video sa kanyang Instagram Story nitong Martes, October 27.

Aniya sa video, “This is somehow a déjà vu or reminiscent of my experience in Thailand when I was there for the tsunami.

“I don't know why I'm being followed by such energy.”

Ang tinutukoy ng aktres ay ang naganap na tsunami sa Phuket, Thailand noong December 31, 2004 na kumitil ng maraming buhay at puminsala ng mga ari-arian.

Samantala, nang makapanayam ng 24 Oras si Jon tungkol sa nangyari, ibinahagi ng aktor ang sinapit ng taping location nila sa Laiya, Batangas.

Aniya pa, huli na nang dumating ang mga warning sa kanilang cell phone ay inabot na ng baha ang kanilang tinutuluyang resort.

“'Yung kinakainan namin do'n, kung saan kami nagka-company call, kung saan nagpi-pre prod, sobrang na-wash out.

“As in sira 'yung upuan, 'yung mga lamesa. 'Yung tent po na pinag-i-stay-an namin para nga sa pagkain namin talagang nasira, bumagsak,” aniya.

Hindi rin umano naiwasang matakot ni Jon nang makita ang malalaking alon ng dagat na humampas sa naturang resort.

“Nakita namin mismo na paparating na 'yung mataas na alon papunta du'n sa mismong venue o resort na pinag-stay-an namin.

“Natakot ako nu'ng nakita ko 'yon dahil sa YouTube ko lang napapanood 'yung mga ganu'ng pangyayari tapos nakita ko na mismo kaya medyo nataranta rin ako,” dagdag pa niya.

Upang iligtas ang sarili, kaagad umano siyang umakyat sa mataas na bahagi ng resort upang hindi maabutan ng rumaragasang tubig.

“'Di na ako nakapag-video. Kasi nu'ng una bini-video ko pa 'yung mga nangyayari, e.

“Pero nu'ng nakita ko na nga 'yon, wala na. Talagang kinuha ko na 'yung maleta ko tapos tumakbo na ako du'n sa medyo mataas na parte ng resort,” aniya.

Sa kabutihang palad ay ligtas at walang nasugatan sa cast pati na sa buong crew at staff ng programa.

Nakabalik na rin sila sa Maynila nitong Linggo ng gabi, October 25.

Kapag 'di naglo-load nang maayos ang video sa itaas, maaari itong mapanood DITO.