Showbiz News

Gina Pareño, miss nang magtrabaho, 'Gusto ko nang umarte.'

By Nherz Almo

Katulad ng marami, hiling din ni Gina Pareno para sa kanyang ika-73 na kaarawan ang pagtatapos ng COVID-19 pandemic.

Ipinagdiwang niya ang kanyang kaarawan noong October 20.

Sa video interview ng GMANetwork sa veteran actress, nabanggit niya na miss na niyang magtrabaho bilang aktres.

"Sana mawala na yung COVID, gusto ko nang umarte," aniya.

Dahil kasi sa kanyang edad na 73, hindi maaaring makalabas si Gina para makapagtrabaho.

Gayunman, nabigyan pa rin siya ng pagkakataong umarte sa gitna ng pandemya nang makasama siya sa cast ng Boys Love series na Quaranthings, kung saan gumanap siya bilang si Lolly.

Katulad ng ibang TV series ngayon, sumailalim din ang beteranang aktress sa "new normal" taping, kung saan ang mga eksena ay kinunan lamang sa kanilang bahay gamit ang mga gadget tulad ng cellphone at laptop.

Kumusta kaya ang experience ni Gina, o mas kilala bilang Lola Gets sa kanyang fans.

"Siyempre, sa una maninibago ka. Pero pagkatagal-tagal, mararamdaman mo yung umaarte ka sa cell phone, sa laptop, yun na ngayon ang new normal.

"Noong una, naiilang ako, pero pagkatagal-tagal, nae-enjoy ko na.

"Siyempre, katrabaho mo yung mga bagets. Aba, hindi naman magpapatalbog ang iyong Lola Gets kaya later on, enjoy na enjoy ako.

"'Yan na ngayon ang new normal. Ngayon, kapag hindi mo sinabayan, aba, matetengga ka."

Sa kanyang edad, naiisip na ba si Gina ang magretiro?

Sagot ni Lola Gets, "Mag-retire? Naku, ano 'yon? Hindi ko alam 'yon.

"Aba, e, kapag hindi po ako umarte, siguradong madadali ang buhay ko. Malulungkot po ang Lola Gets.

"Pag-arte talaga ang ginusto ko sa buong buhay ko. Kaya hangga't nandiyan pa kayo, kinukuha n'yo pa ako, kasama kayong aarte.

"Naku, enjoy na enjoy po ako, hahaba pa ang buhay ko. 'Yan lang po ang inambisyon ko sa buhay, ang umarte."

Gina Pareño is the latest viral TikTok star

Samantala, bukod sa pagbabalik-trabaho, hiling din ni Gina ang mabuting kalagayan ng kanyang kalusugan, pati na ng kanyang pamilya.

Aniya, "Ngayong 73 na ako, ang hihilingin ko kay Lord, e, good health ng pamilya ko, sa aming lahat, sa mga apo, at sa lahat ng taong minamahal ko.

"Siyempre, lahat naman tayo, gusto natin, e, maayos ang pamilya, di ba?

Dahil sa kanyang edad, hindi raw siya pinapayagan ng kanyang mga anak na lumabas. Mas delikado kasi ang senior citizens sa COVID-19.

Ani Gina, "Narito lang ako sa bahay. Hindi ako pinalalabas ng mga anak ko since day one, hanggang sa mga oras na ito. Hindi pa rin ako lumabas ng kuwarto. napakahigpit po ng aking mga anak--si Michael, si Racquel, at ng mga apo ko.

"Siyempre, senior ka na, aba'y mahirap nang makahawa tayo ng mga tao. Kaya stay home, be safe. At saka nakakatuwa [kasi] every second kasama ko ang pamilya ko."

Bilang pag-iingat sa kanyang kalusugan, sabi niya, "Ay naku, napakalakas ko po sa vitamins. Umiinom po ako ng virgin coconut oil, kung anu-ano.
"Siguro sadmpu-sampu ang binibigay sa akin [na gamot] sa akin ng mga anak ko, grabe.

"Siyempre, senior ka na, kailangan maingat ka. Mayroon akong lemon, honey, at saka cinnamon. At saka, naku, napakahilig ko po sa prutas."

At katulad ng iba, marami ring napagtanto ang beteranang aktres ngayong may pandemya.

"Ang natutuhan ko ho sa COVID, kailangan positive ka sa buhay mo.

"Kailangan always good vibes. Kailangan palagi kang masaya. Huwag kang mag-iisip ng mga problema.

"At pinakaimportante sa lahat, magpasalamat tayo kay Lord at hindi niya tayo pinababayaan," nakangiting sabi ni Gina.