Showbiz News

Ina Feleo sa viral 'Daddy's Gurl' scene: 'Joke siya...'

By Dianara Alegre

Kamakailan ay nag-viral ang screenshot ng isang eksena sa sitcom na Daddy's Gurl kung saan nakasuot ang ghost character ni Ina Feleo ng face shield.

Kuha ito sa Halloween episode ng naturang sitcom, na pinagbibidahan nina Maine Mendoza, Wally Bayola, Oyo Sotto, at Vic Sotto.

Sa panayam ng 24 Oras, ipinaliwanag ni Ina na hindi nagkamali ang production team dahil sadyang kasama ito sa istorya, na ang setting ay sa kalagitnaan ng COVID-19 pandemic.

“'Yung una kong eksena nakabelo tapos parang makikita ako nu'ng character ni Wally, 'tapos sasabihin niya, 'Ano 'yan hindi sapat na proteksyon 'yang kulambo.'

“E, multo ako. Parang nakakakita kasi siya ng multo. So, bibigyan niya 'ko ng face shield, 'tapos isusuot ko na 'yung face shield,” aniya.

Dagdag pa ni Ina, “I think it was their way na lahat talaga ng actor is safe from the productions end.

"At the same time, comedy show siya na nagamit nang maayos, na naging joke rin na parang pati multo ngayon nagfe-face shield na rin.”

Sa naturang episode, nakita ng karakter ni Wally, si Matilda, na naglalakad si Ina sa kalye nang walang suot na face mask at nakasuot lamang ng belo.

Inakala ni Matilda na Halloween costume lamang ito at binigyan ang ghost character ni Ina ng face shield bilang proteksyon laban sa COVID-19.

Tinanggap ng ghost character ni Ina ang face shield nang nagtataka ngunit isinuot din naman niya ito.

Ang sunod na eksena na ay suot-suot na ni Ina ang face shield para sa eksena niya kasama ang aktor na si Andre Paras.

Nagpaliwanag na rin ang direktor nitong si Chris Martinez tungkol sa viral photo.

“Ina Feleo's ghost with a face shield role goes viral [from last night's #DaddysGurl ep].

"An image that got people talking about topics ranging from paranormal and (more importantly) our industry's safety protocols.

“New normal #absurdity at its finest,” post niya sa Instagram.

Ang Daddy's Gurl ay isang Saturday sitcom na co-produced by GMA-7, M-Zet Productions, at APT Entertainment.