Showbiz News

Mag-'frenny' na sina Bianca Umali at Chesca Salcedo, tampok sa 'Wish Ko Lang'

By Jansen Ramos

Muling gaganap bilang mag-best friend ang Kambal, Karibal stars na sina Bianca Umali at Chesca Salcedo. This time, mapapanood sila sa episode ng Wish Ko Lang ngayong Sabado, November 21.

Photo from Chesca Salcedo's IG

Magkapitbahay na nag-away dahil sa inggitan sa negosyo ang kuwentong katatampukan nina Bianca at Chesca sa drama anthology, kung saan makakasama nila sina Angelu De Leon at Sue Prado.

Ayon sa Facebook post ng Wish Ko Lang, hindi na nakapagbayad ng upa si Melinda (Angelu de Leon) mula nang mawalan ng trabaho ang kanyang mister.

Labis na ikinagalit ito ng may-ari ng paupahan na si Brenda (Sue Prado) at agad na pinalayas ang mag-asawa kasama ang kanilang anak na si Rodelyn (Bianca Umali) kahit pa best friend ito ng kanyang anak na si Irene (Chesca Salcedo).

Sa gitna ng kaguluhan, inatake sa puso ang mister ni Melinda at tuluyang pumanaw. Nagkabaon-baon na nga sila sa utang, pumanaw pa ang padre de pamilya.

Para naman makaahon sa kahirapan, pilit na nagtayo ng maliit na kainan ang mag-inang Melinda at Rodelyn na naging mitsa ng mas matinding pag-aaway ng magkapitbahay.

Dumagdag pa sa pasanin ng dalawang pamilya nang mabagsakan ng eroplano ang kanilang bahay.

Ayon sa panayam ng 24 Oras kay Bianca, masaya siyang makatrabaho muli si Angelu na gaganap bilang kanyang ina sa Wish Ko Lang. Huling silang nagkasama sa telefanstayang Mulawin vs. Ravena.

Mapapanood ang Wish Ko Lang tuwing Sabado, 4 p.m., sa GMA-7.