Showbiz News

Kuwento ng pamilyang nabagsakan ng eroplano, tampok sa bagong 'Wish Ko Lang'

By Racquel Quieta

Traumatic ang kwentong tampok sa "Nabagsakan ng Eroplano" episode ng bagong Wish Ko Lang ngayong Sabado.

Tungkol kasi ito sa pamilyang tila gumuho ang mga pangarap kasabay ng pagbagsak ng eroplano sa kanilang lugar.

Sina Angelu de Leon at Bianca Umali bilang Melinda at Rodeyln / Source: Wish Ko Lang

Iikot ang kuwento kay Rodelyn “Rod” Molina, na gagampanan ni Bianca Umali.

Si Rodelyn ang anak ng karakter ni Angelu de Leon na si Melinda, may-ari ng isang eatery sa kanilang lugar.

Tila sunud-sunod na dagok ang dumating sa buhay nina Rodelyn at nanay na si Melinda.

Matapos mawalan ng trabaho ang kanilang padre pamilya, namatay pa ito mula sa atake sa puso nang palayasin sila sa kanilang inuupahan.

Sina Sue Prado at Chesca Salcedo sa "Nabagsakan ng Eroplano" episode / Source: Wish Ko Lang

Pagpanaw ng ama ni Rodelyn at nagtayo si Melinda ng maliit na kainan upang matustusan ang pangangailangan nilang mag-ina, ngunit pagmumulan naman ito ng away nila ng kapitbahay na si Brenda (Sue Prado), nanay ng bestfriend ni Rodelyn na si Irene (Chesca Salcedo).

Lingid sa kaalaman nila, isa pang malaking trahedya ang darating sa kanilang buhay nang biglang bumagsak ang isang eroplano sa kanilang lugar at magdudulot ng sunog.

Sina Angelu at Bianca sa "Nabagsakan ng Eroplano" episode / Source: Wish Ko Lang

Ang stars ng "Nabagsakan ng Eroplano" episode na sina Sue Prado at Chesca Salcedo, nagbahagi ng mga naging traumatic experiences nila sa buhay.

Para sa young actress na si Chesca, ang biglaang pagpanaw ng kaniyang ama noong bata pa lamang siya ang pinaka-traumatic na naranasan niya sa kanyang buhay.

“Aksidente po ang pagkawala niya kaya hindi inaasahan ang mga pangyayari. Pero dahil nandiyan naman po ang family ko, lalo na si mama, nakaya naman po namin malagpasan 'yon.”

Samantala, para naman kay Sue, pinaka-traumatic ang aksidenteng naransan niya noong July 2006.

“I had a near-fatal car crash. Recovery was a long and painful process, but a strong support system [family and friends] got me through it.”

Kamakailan ay naranasan ng karamihan sa ating mga kababayan ang matinding pagbaha at pagguho ng lupa dulot ng magkasunod na Typhoon Rolly at Ulysses.

Tulad ng pagbagsak ng eroplano, hindi rin inaasahan na magiging malala ang pinansalang hatid ng mga nagdaang bagyo.

Bilang mensahe sa mga naapektuhan ng mga bagyo, hinihikayat ni Sue ang lahat na huwag mawalan ng pag-asa.

“Kumapit sa pag-asa hangga't kaya. May likas na kabutihan pa rin ang kapwa na tutukod para matulungang sila'y makatawid sa madilim na yugto na ito.”

Payo naman ni Chesca na patuloy na manalig at magtiwala sa Diyos.

“Ang mensahe ko po para sa kanila ay alam ko po na mahirap at masakit ang mga nangyayari ngayon, pero nais ko lang po sabihin na 'wag po sana sila mawalan ng pag-asa at tiwala sa Diyos.

“Naniniwala po kasi ako na kahit na marami ang dumating na pagsubok basta kumapit ka lang kay God hindi po tayo pababayaan ng Panginoon sa bawat yugto at pagsubok ng buhay natin.”

Ayon pa kay Chesca, challenging at memorable raw ang karamihan sa mga naging eksena nila sa "Nabagsakan ng Eroplano" episode.

Ani Chesca, “Ang pinaka memorable and challenging po sa akin ay yung scene na confrontation ng characters namin ni Bianca at yung scene po na nandoon ako sa loob ng bahay habang nasusunog. Medyo kinabahan po ako ng kaunti nung time na 'yon dahil may apoy po talaga.”

Huwag palampasin ang is ana namang episode na nakaaantig at tiyak kapupulutan ng aral at inspirasyon sa bagong Wish Ko Lang ngayong Sabado, alas-4 ng hapon sa GMA-7.

Manalo ng negosyo package sa 'Tuloy Pa Rin Ang Pasko" promo ng bagong 'Wish Ko Lang'