TV

Dennis Trillo on his role in 'Legal Wives': 'Iba 'yung paninindigan niya'

By Dianara Alegre

Malapit nang magsimula ang lock-in taping para sa bagong Kapuso drama series na Legal Wives na pagbibidahan nina Kapuso Drama King Dennis Trillo, Alice Dixson, Andrea Torres, at Bianca Umali.

Ang Legal Wives ay tungkol sa istorya ni Ishmael (Dennis), isang Muslim mula sa lahi ng mga Maranaw na mapapangasawa ang tatlong babae, sina Amirah (Alice), Diane (Andrea), at Farrah (Bianca).

“Parang nabigla ako nu'ng umpisa pero nu'ng nabasa ko naman 'yung script… ang ganda ng ginawa nila rito. Mai-in love ka sa bawat character, mai-in love ka du'n sa kultura,” ani Dennis nang makapanayam ng 24 Oras.

Inilarawan din niya ang kanyang magiging karakter bilang isang tao na may matinding paninindigan at iba kung magmahal.

“Siya 'yung tao na iidolohin mo dahil iba 'yung paninindigan niya. Iba siya magmahal. Bawat tao sa paligid niya kaya niyang pakitunguhan kaya rin siguro nabigyan siya ng pagkakataon na magkaroon ng tatlong iibigin dito sa kwento dahil mapagmahal siyang tao,” dagdag pa niya.

Kasama rin sa cast ang beteranang aktres na si Cherie Gil, Shayne Sava at Adbul Raman, Bernard Palanca, Kevin Santos, Maricar De Mesa, Juan Rodrigo at Irma Adlawan.

Samantala, sa Biyernes, November 27, tutungo sa Cagayan ang “StarTruck” o ang 10-wheeler truck na naglalaman ng mga donasyon para sa mga nasalanta ng mga nagdaang bagyo.

Inorganisa nina Dennis at girlfriend niyang si Ultimate Star Jennylyn Mercado ang naturang donation drive.

“Itong StarTruck na 'to, naisip namin ni Jen na magpadala ng tulong lalo na du'n sa Tuguegarao dahil nalaman namin na medyo malala pa talaga 'yung kondisyon du'n.

“Naisip niya na magpadala ng truck, maglalagay kami du'n ng mga donasyon ng bawat tao,” aniya.

Kung 'di naglo-load nang maayos ang video sa itaas, maaari itong mapanood DITO.