Showbiz News

SPOOKY NIGHTS PRESENTS: BAMPIRELLA

Nagbabalik ang GMA sa paghahandog ng series tuwing Sabado nang gabi sa bago nitong horror-comedy show na Spooky Nights. Ito ay mag-uumpisa sa Marso 26 at eere ka-back-to-back ng Man vs. Beast bilang kapalit ng Kapuso Film Festival. Sa Spooky Nights, tatakbo ang isang istorya sa loob ng ilang linggo at papalitan ng panibagong kwento na may iba ring cast kapag natapos na ito. Bagama’t katatakutan ang tema ng mga istorya, makakaasa ang mga manononood na pawing nakakatawa ang mga ito. Unang handog ng Spooky Nights ang Bampirella, isang istoryang naiiba sa mga karaniwang madrama o nakakatakot na kwentong bampira. Si Bampirella ay isang babaeng bampira na dating normal hanggang sa siya ay isumpang maging “beautiful yet undead creature” tuwing sasapit ang hatinggabi. Ang kapuso o primetime queen na si Marian Rivera ang gaganap sa lead character na si Bampirella o Cindy. Kahit napapanood sa comedy tulad sa hit sitcom na http://www.igma.tv/shows/showmedamanny>Show Me Da Manny, naiiba ang pagganap ni Marian sa Bampirella dahil may tunggalian sa pagkatao ng kanyang karakter. Likas na mapagmahal at mapagbigay si Cindy ngunit dahil sa kanyang sumpa, siya ay nagiging nakakatakot. Isang magandang babae si Cindy na nagtatrabahp sa pagawaan ng tsokolate at dito niya nakakasama ang factory manager na si Mitch (Gelli De Belen). Lingid sa kanyang kaalaman, isa palang masamang mangkukulam si Mitch at ito nga ang magsusumpa sa kanya para maging pangit sa araw. Pagdating ng gabi, bumabalik ang kanyang ganda ngunit kasabay nito ay nagiging bampira siya. Bilang isang sinumpa, iisa lamang ang maaring gawin ni Cindy upang maging normal na muli – ang hanapin ang kanyang tunay na pag-ibig. Kaya lang, kailangang sipsipin niya ang dugo ng lalaki hanggang mawalan ito ng buhay. Matagpuan kaya ni Cindy yang kanyang tunay na pag-ibig kung pangit siya sa araw at bampira sa gabi? Kaya ba niyang kunin ang buhay nito kapag nahanap na niya? O pipiliin na lang ba niyang mabuhay sa sumpa kaysa patayin ang kaisa-isang pag-ibig? Maaliw sa kwentong bampirang ito at tuklasin kung paano magtatagumpay ang tunay na pag-ibig laban sa isang nakakalokang sumpa. Para magdala ng kilig at saya sa tila madilim na mundo ni Cindy, makakasama niya ang dalawang hot Kapuso stars: si Marc Abaya bilang Armand, isang rocker vampire na gustong maangkin si Cindyl at si Mikael Daez bilang Michael, ang dentistang nag-aapply ring maging one true love ng bida. Isa pang tagahanga niya sa Dingdong Dantes sa kanyang natatanging pagganap bilang Alfonso, ang ex-boyfriend ni Cindy. Kasama rin sa cast sina: Gladys Guevarra bilang Rosario, matalik na kaibigan ni Cindy; Ken De Leon bilang Angelina at Jervi Li bilang Megan Pak, mga sidekick ni Mitch; at ang cute na si Isabel Nesreen Frial bilang Eya, kapatid ni Cindy. Sa pagtutulungan nina DIrektor Albert Langitan at Head Writer Senedy Que, ang Spooky Nights Presents: Bampirella ay mapapanood tuwing Sabado bago ang Kapuso Mo, Jessica Soho sa Sabado Star Power ng GMA simula Marso 26. Mag-uumpisa ring ipapalabas worldwide ang Spooky Nights Presents: Bampirella sa Abril 2 (Asia Pacific and Middle East) at sa Abril 3 (U.S. and Canada) sa GMA Pinoy TV. – Text and photo courtesy of GMA Network