Showbiz News

Jamir Zabarte, may kuwento tungkol sa sikat na pelikula ng kanyang ama na 'Batang-X'

By Maine Aquino

May magandang alaala at kuwento si Jamir Zabarte tungkol sa isang hit na project ng kanyang ama na si John Ace Zabarte.

Si John na kilala na ngayon sa pangalang Blain, ay isa sa mga bumida noon sa pelikulang Batang-X.

Ang Batang-X ay isa sa mga kilalang pelikula noong '90s. Ang pelikulang ito na ipinalabas noong 1995 ay tungkol sa mga batang mayroong superhuman abilities. Kasama rin sa cast sina Aiko Melendez, John Prats, Anna Larrucea, JC Tizon at Janus del Prado.

Kuwento ni Jamir, pinalad siyang mapanood ang pelikula ng kanyang amang si Blain.

Photo source: @jamirzabarte


"Yes po, napanood ko po. I am blessed na makahanap pa po ng kopya ng movie kahit panahon na po ng BluRay."

Ayon pa sa young Kapuso star, ikinuwento umano ng kanyang ama na malaking bagay sa kanyang career ang mapabilang sa Batang-X.

"Sa movie, obviously memorable po 'yun for him. Iconic po ang Batang-X nung '90s at iba po ang naging impact sa buhay niya na maging malaking parte nito, magpasahanggang ngayon."

Inamin ni Jamir na nagpapasalamat siya sa mga payo na ibinibigay ng kanyang ama lalo na't pinasok na rin niya ang mundo ng showbiz.

"Natural born coach po ang father ko, magaling po siya magbigay ng tips at pointers at masasabi ko po na credible siya dahil may experience siya sa likod at harap ng camera.

"He also used to work for Eat Bulaga as a production staff kaya tiwala po ako na alam niya ang sinasabi niya 'pag nagbibigay siya ng advice sa akin."

Sa kanyang desisyong mag-showbiz may paalala umano ang ama ni Jamir sa kanya. Ito ay ang pagbibigay ng respeto sa lahat ng tao na kanyang makakatrabaho.

"Madalas niya pong ipinapaalala sa akin bago ako sumalang sa kahit anong project ay magbigay ka ng patas na respeto sa lahat, itrato mo ng tama ang utility crew katulad ng kung paano mo itrato ang pinakamalaking artista sa set."


Si Jamir ay kabilang sa mga bagong talents ng GMA Artist Center ngayong 2020.

Kilalanin ang iba pang pumirma sa GMA Artist Center ngayong taon sa gallery na ito: