Showbiz News

'Fates and Furies,' unang handog ng GMA Heart of Asia sa 2021

By Marah Ruiz

Matindi ang pagbubukas ng 2021 dahil hatid ng GMA Heart of Asia sa inyong mga umaga ang South Korean drama series na Fates and Furies.



Tunghayan ang kuwento ng pangarap at ambisyon ni Hera (Lee Min-Jung), may-ari ng isang lumang gawaan ng mga pekeng sapatos.

Baon sa utang ang kanyang shoe shop matapos mamatay ng kanyang ama. Lalo naman siyang nagigipit sa pera dahil sa patuloy na gastusin ng kapatid na kasalukuyang comatose sa ospital.

Gayunpaman, nangangarap pa rin si Hera maiahon ang kanyang shoe shop at palakihin ito bilang isang kilalang brand.

Ang tanging naiisip niyang solusyon sa kanyang mga problema ay pera.

Lalapit naman sa kanya ang oportunidad sa katauhan ni Theo (Lee Ki-Woo) na aatasan siyang sumira ng isang relasyon kapalit ng malaking halaga.

Kailangang agawin ni Hera si Gino (Joo Sang-Wook), bahagi ng pamilyang may-ari ng major shoe brand na Gold Group, mula sa fiancee nitong si Suzy (So E-Hyun), isang sikat na reporter at heredera.

Maganda, matalino at higit sa lahat, maabilidad si Hera. Pero kaya ba niyang gawin ito sa ngalan ng pera at ambisyon?

Abangan iyan sa unang pasabog ng GMA Heart of Asia ngayong 2021, ang Fates and Furies!