Showbiz News

Huwag Palampasin Ang Huling Linggo ng ‘Nita Negrita’

Nalalapit na ang huling dalawang lingo ng Nita Negrita habang tumitindi ang pakikipagsapalaran ng mapagmahal na bida na makamit ang mapayapang buhay kasama ang kanyang pamilya. Ang huling dalawang lingo ng Nita Negrita ay puno ng mga rebelasyon na tiyak na tututukan ng manonood nito. Ang pagkamatay ni Angelo ay nagsilbing hudyat ng simula ng mas komplikado pang buhay ni Nita (Barbie Forteza). Sa takot at pagdadalamhati, di malaman ni Mira (Lotlot de Leon) kung paano sasabihin ang pagkamatay ng kanilang anak ni Arturo (Zoren Legaspi). Lingid sa kanyang kaalaman, ipinarating na ito ni Danica (Diana Zubiri) kay Arturo sa kagustuhang sirain ang relasyon nilang dalawa. Si Misty (Lexi Fernandez) ang karapat-dapat sisihin sa pangyayaring ito ngunit sa kanyang takot na maparusahan ng batas, hindi niya ito sinabi kahit kanino maliban kay Alex (Bubbles Paraiso) at napagkasunduang si Nita ang ituro na may sala sa pagkamatay ng sanggol. Tila laging may lugar sa buhay ni Nita ang mga trahediya. Iniligtas ni Mira si Nita mula sa balang pinakawalan ni Arturo na naging dahilan para siya ay makulong at si Mira naman ay nag-aagaw buhay sa ospital. Ipinadala si Nita sa pangangalaga ng DSWD. Sa poot na nadarama ni Andrea (Lollie Mara), sinisi niya si Nita sa lahat ng kamalasang dinaranas ng kanilang pamilya nang makita niya ito sa ospital kung saan nagpapagaling si Mira. Samantala, si Misty ay nababahala sa mga pangyayari lalo na’t siya ang may dahilan sa lahat ng ito at wala ni isa ang nakakaalam tungkol dito. Habang si Mira ay nakaratay sa ospital at walang kamalay-malay, ipinagtapat ni Misty ang lahat at humingi ng tawad. Nagulat siya nang dahan-dahang nagmulat ang mga mata ni Mira. Narinig kaya nito ang kanyang mga sinabi? Masaya si Nita nang malaman na nagising na ang kanyang ina ngunit nang siya’y bumisita…tila nawalan siya ng pag-asa nang hindi man lang siya nakilala ng kanyang ina. Kasamaan, galit at paghihiganti – ang lahat ng ito ay bumabalot sa pagkatao ni Danica. Nais niyang magbayad si Mira sa pagbagsak ng kanyang mga plano. Handa siyang gawin ang lahat upang magtagumpay. Wala ni isa ang bibigyan niya ng awa, maging si Nana Ima (Nova Villa). Magtagumpay kaya si Danica sa kanyang masasamang balak laban kay Mira? Bumalik kaya ng mga alaala ni Mira? Makaliligtas ba si Mira at Nita sa mga kamay ni Danica at makapagsimula muli? Huwag palampasin ang huling dalawang linggo ng pakikipagsapalaran ni Nita Negrita araw-araw pagkatapos ng Blusang Itim sa GMA Dramarama sa Hapon.--Text courtesy of GMA Network