
Kalunos-lunos ang sinapit ng isang misis na sinabuyan ng asido ng kabit ng kanyang mister. Ito ang kuwentong tampok ngayong Sabado sa bagong 'Wish Ko Lang.'
Sina Andrea del Rosario at Rodjun Cruz sa “Asido” episode / Source: Wish Ko Lang
Ang dating Viva Hot Babes member na si Andrea del Rosario ang gaganap bilang legal wife, habang si Rodjun Cruz naman ang mister na may obsessed na kabit.
Si Jackie Rice bilang obsessed na kabit / Source: Wish Ko Lang
Si Kapuso actress Jackie Rice naman ang gaganap na kabit na tila nabaliw na sa pag-ibig at nagawa niyang buhusan ng asido sa mukha ang legal wife ng lalaking dati niyang nobyo at pilit pa rin niyang inaangkin.
Sina Jackie at Andrea bilang kabit at legal wife / Source: Wish Ko Lang
Sa sobrang obsessed ng karakter ni Jackie ay magagawa nitong sundan at gayahin ang hitsura ng misis ng kanyang ex.
At talaga namang kasuklam-suklam ang pinakahuling nagawa ng karakter ni Jackie sa legal wife.
Sinabuyan niya ng asido sa mukha ang karakter ni Andrea at tuluyan itong nabulag.
Kasama rin sa cast ng “Asido” episode ng bagong 'Wish Ko Lang' ang viral na Sarah Geronimo impersonator na si Bench Hipolito.
Si Bench Hipolito sa “Asido” episode / Source: Wish Ko Lang
Sa kanilang panayam sa 24 Oras, sinabi nina Jackie at Rodjun na excited silang muling magkatrabaho ngayong panahon ng pandemya.
Huli silang nagkasama sa Kapuso serye na “Hindi Ko Kayang Iwan Ka” noong 2018.
Ani Jackie, “Na-miss ko umarte. Before mag-taping as in basa talaga ako ng script. Wala pa, hinihingi ko na sa e-mail ko.”
Kuwento naman ni Rodjun kay Kapuso showbiz reporter Lhar Santiago, “Sobrang na-miss ko talaga yung pag-acting. Parang simula nung pandemic, ngayon lang ulit ako bumalik sa pag-arte.
“So, iba yung feeling, Tito Lhar. Parang sa umpisa, naninibago ulit ako. Ine-enjoy ko 'yung bawat moment kasi na-miss ko po talage e.”
Ibinahagi rin nila ang mga malaking pagbabago sa kanilang buhay ngayong taon. Si Jackie, hindi magiging malamig ang Pasko dahil mayroon siyang “pandemic boyfriend,” habang si Rodjun naman ay excited nang magdiwang ng unang Pasko nila ng asawang si Dianne Medina kasama si Baby Joaquin.
Tiyak makaka-relate ang mga nakakaranas ng panggugulo mula sa kabit o karelasyon ng kanilang asawa. At higit sa lahat, tiyak kapupulutan din ito ng aral ng marami.
Alamin kung paano magdadala ng pag-asa at inspirasyon ang bagong 'Wish Ko Lang' sa pamilya ng nabulag na misis ngayong Sabado, alas-4 ng hapon sa GMA-7.
Silipin ang beach house ni Andrea del Rosario sa Calatagan, Batangas sa photo gallery na ito: