Showbiz News

Sanya Lopez, na-starstruck kay Nora Aunor sa 'Isa Pang Bahaghari'

By Marah Ruiz

Bigatin ang mga co-star ni Kapuso actress Sanya Lopez sa 2020 Metro Manila Film Festival entry na Isa Pang Bahaghari.

Kasama kasi niya dito ang mga batikang aktor tulad nina Superstar Nora Aunor, Phillip Salvador at Michael de Mesa.

Gaganap si Sanya bilang Dolly, isang single mom na nagtatrabaho sa isang beer house.

Si Nora naman ang kanyang inang si Lumen, dating labandera at ngayon ay tindera ng daing.

Isa daw sa mga pinakamahirap na eksena para kay Sanya ay ang pagsayaw niya sa beer house.

"Si direk Joel (Lamangan) naman, sinabi sa'kin na mayroong ituturong sayaw. That time lang din po, ginawa namin 'yun. On the spot na pinasayaw niya 'ko bigla. 'O kailangan ganito ang sayaw, ituturo sa 'yo ng mga dancers 'yung sayaw mo. And then ito lang 'yung suot mo.' Ako, yes lang po. 'Sige po, direk,'" paggunita ni Sanya.

Umani naman ng papuri si Sanya para sa kanyang role, bagay daw na hindi niya inasahan lalo na at mga beteranong aktor ang kanyang mga kasama.

"Hindi ko naman po in-expect na ganoon 'yung magiging reaction nila. Siguro rin po sa tulong rin po 'yun ni direk Joel. Kailangan nating galingan kapag si direk Joel. And of course, si Ms. Nora Aunor 'yung mga ka-eksena natin," aniya.

Hindi rin daw napigilan ni Sanya na ma-starstruck at ma-intimidate dahil lagi niyang ka-eksena si Nora.

"Kapag ka-eksena ko siya, pansin na pansin ko 'yung ganda ng mata niya kung paano mag-react. Wala pa siyang sinasabi pero parang dumadating na sa point na mai-indtimidate ka talaga kung hindi mo kaya. Ganoon kagaling mangusap 'yung mata niya," papuri ni Sanya sa co-star.

Ang Isa Pang Bahaghari ay ng isang ama na susubukang balikan ang kanyang pamilya matapos niya itong abandonahin ng ilang taon. Tutulungan naman siya ng kanyang gay best friend na suyuin ang mga ito.

Isa ito sa sampung pelikula sa 2020 Metro Manila Film Festival. Maaari itong i-stream sa pamamagitan ng Upstream.

Samantala, panoorin ang buong ulat ni Lhar Santiago para sa 24 Oras sa video sa itaas.

Kung hindi ito mapanood, pumunta lamang dito.