TV

Glaiza De Castro at Rayver Cruz, magtatambal sa seryeng 'Nagbabagang Luha'

By Dianara Alegre

Sa unang pagkakataon ay magtatambal ang Kapuso stars na sina Glaiza De Castro at Rayver Cruz sa bagong seryeng Nagbabagang Luha.

Ang serye ay adaptation ng classic '80s movie na pinagbidahan nina Lorna Tolentino, Gabby Concepcion, Alice Dixson, at Richard Gomez.

Source: glairedux (Instgram); rayvercruz (Instagram)

Dito ay gagampanan ng newly-engaged na si Glaiza ang role ni Lorna na si Maita. Kahit nasa Ireland pa ay pinaghahandaan na raw ng aktres ang pagbabalik-trabaho.

“Siyempre nando'n 'yung feeling na malaking responsibilidad kasi kahit papaano na-familiarize na kami do'n sa pelikula at nakita naming 'yung performances nina Ms. Lorna. So, parang kailangan talagang todohin,” lahad ni Glaiza nang makapanayam ng 24 Oras.

Ayon naman ka Rayver, na gaganap sa dating role ni Gabby na si Alex, excited na siyang makatrabaho para sa isang serye si Glaiza.

“Si Glaiza lagi ko 'yan kasama sa 'AOS' (All-Out Sundays) pero iba kasi ngayon pa lang kami magwo-work sa isang show, so excited ako,” aniya.

Tampok din sa Nagbabagang Luha ang bagong Kapuso actress na si Claire Castro. Siya ang gaganap sa karakter noon ni Alice na si Cielo, kapatid ni Maita.

“It's gonna be challenging po lalo na po si Ate Glaiza po 'yung magiging sister ko po. Pero I love a good challenge naman po,” aniya.

Source: clairevcastro (Instagram)

Si Mike Tan naman ang gaganap sa noon ay role ni Richard habang may madagdag ding karakter sa adaptation na tatampukan ni Myrtle Sarrosa.

“We're all very excited to work together. Iba 'yung magiging experience namin dito kasi parang almost one month kaming hindi makakaalis sa location,” lahad ni Myrtle.

Samantala, dahil magbabalik-trabaho na sa gitna ng coronavirus pandemic, umaasa si Mike na magkaroon na ng bakuna kontra COVID-19 nang sa gayon ay maibalik na sa normal ang lahat.

“Hopefully, magkaroon na tayo ng vaccine para sa lahat bumalik na sa normal makabangon na tayo dahan-dahan,” aniya.

Source: imiketan (Instagram); myrtlegail (Instagram)

Abangan ang Nagbabagang Luha soon sa GMA.