Showbiz News

Sanya Lopez, inspired magtrabaho dahil sa kanyang bagong bahay

By Maine Aquino

Ibinahagi ni Kapuso actress Sanya Lopez sa Hangout nitong January 12 na ang goal niya sa taong 2021 ay matapos na ang pagbuo ng kanyang bagong bahay.

Saad ng aktres, “Ang goal ko this 2021, siyempre matapos ko na itong bahay. 'Yung pagpapa-renovate nitong bahay at makumpleto na rin siya.”

Kuwento pa ni Sanya sa kanyang mga fans ay hindi niya inaasahan na makakamit niya ang mga dating pinapangarap niya lamang.

Photo source: @sanyalopez


“Sobrang unexpected for me, lalo na nung bata ako. Kasi dati pinapangarap ko lang na gusto ko magkaroon ako ng sariling bahay.

"Gusto ko magkaroon ako ng sarili kong sasakyan or gusto ko magkaroon ng business, ganyan.”

Para kay Sanya, ang sarap sa pakiramdam na nakamit na niya ang isa sa mga dating hinihiling at pinapangarap niya lamang noong siya ay bata pa.

“'Pag nangyari pala siya sa'yo, parang dream come true talaga. Ang sarap sa pakiramdam na sa'yo na 'to.”

Iba umano ang pakiramdam kapag uuwi sa sariling bahay na bunga ng pagsisikap sa kanyang trabaho.

Ayon pa kay Sanya, ito ang kanyang inspirasyon para pagbutihin ang kanyang mga ginagawang trabaho. Ito rin ay magandang inspirasyon sa ibang tao para magsumikap para makamit din nila ang kanilang mga pangarap sa buhay.

“Pagkatapos mo sa trabaho, uuwi ka sa sarili mong bahay, ang sarap sa pakiramdam,” nakangiting sambit ni Sanya.

“Nai-inspire ka sa ginagawa mo, nai-inspire ka lalong magtrabaho, at saka 'yung ibang tao din nai-inspire sayo, kasi nakikita nila 'yung ginagawa mo is para mas mag-grow ka pa, para rin sa sarili mo, para rin mas maka-help ka sa sarili mo.”

Bukod sa kanyang bahay, plano rin ni Sanya na magtayo ng sariling business ngayong taon.

Saad ng aktres, “Pinaplano ko na rin na magkaroon ng sariling business this 2021. Ipag-pray ninyo para sa akin kasi inaayos na namin.”

Kuwento ng First Yaya star, ginawa niya ito para masiguro na secured ang kanyang future. Aminado si Sanya na hindi lahat ng tinatamasa n'ya ngayon sa showbiz ay pang habambuhay.

“Siyempre hindi natin alam kung ano 'yung mga possible na mangyari. Tulad nga nitong pandemic na nangyayari sa atin ngayon. Parang naisip ko na we need ng isang bagay na alam mong makakatawid pa rin sa atin in the future ganon.”

Bukod kay Sanya, may ilan ding celebrities ang nakapagpagawa ng kanilang mga bahay ngayong quarantine period. Silipin sila sa gallery na ito: