Showbiz News

Mga Pinoy, kabilang sa mga nagsulat ng kantang 'Black Swan' ng BTS

By Dianara Alegre

Ang “Black Swan,” isa sa mga hit song ng K-pop boy group na BTS, ay bunga ng collaboration kung saan kabilang sa mga nagsulat ang magkaibigang Filipino artists at songwriters na sina August Rigo at Vince Nantes.

Source: augamatic (Instagram); vincenantes (Instagram)

“Vince started it off. He gave that great intro line on it, 'do your thang,' so yeah we just took it from there,” ani August nang makapanayam ni Kapuso reporter Aubrey Carampel para sa 24 Oras.

Ang “Black Swan” ay ini-release noong January 2020. Ito ay co-written at ini-produce nina Big Hit Entertainment producer Pdogg, BTS member RM, August at Vince, at ng American songwriter na si Clyde Kelly.

Ito ay bahagi ng album na “Map Of The Soul: 7,” kung saan nakapaloob din ang isa pang BTS single, ang “On,” na isa rin sa mga isinulat ni August bilang co-writer.

Source: bts.bighitofficial (Instagram)

Ayon kina August at Vince, naging tulay nila sa proyekto ang isa ring Pinoy at BTS choreographer na si Brian Puspos.

Si August ay isinilang at lumaki sa Canada pero parehong Pilipino ang kanyang mga magulang.

Taong 2004 nang pasukin niya ang music industry sa America hanggang sa makapagsulat siya ng kanta para kina Justin Bieber, One Direction, Chris Brown, at iba pang K-pop artists.

Si Vince naman ay ipinanganak sa Pilipinas pero sa Chicago, Illinois siya lumaki. Nang magdesisyon na siyang iangat ang level ng kanyang career, nagpunta siya sa Los Angeles at nakapagtrabaho sa ilalim ng pamamahala ni apl.de.ap, ang Fil-Am member ng Black Eyed Peas.

Gaya ni August, marami rin siya roong nakilalang musicians at artist na lalo pang nakatulong sa kanya para paghusayin ang kanyang craft.

“It's kind of cool to see like someone from the home team swinging a bat and hitting the home run,” ani Vince.

Ayon sa dalawang artist, sinasalamin ng “Black Swan” ang kanilang pakikipagsapalaran na maabot ang tinatamasang kasikatan at tagumpay.

“This song talks about almost giving up and then breaking out of your shell,” lahad ni August.

Samantala, handa naman sina August at Vince na maging bahagi ng local music industry. Kamakailangan nga ay nakipag-collaborate sila sa isang pang Filipina artist, ang rapper na si Alex Bruce para sa kantang “Go Crazy.”

“There's some great music out there in the Philippines,” ani August.

Dagdag pa ni Vince, “I think the best way to kind of give it back is to pay it forward.”

Panoorin ang official music video ng “Black Swan” ng BTS: