Showbiz News

Joey de Leon, naniniwala dapat hintayin ang opinyon ng FDA pagdating sa isyu ng COVID-19 vaccine

By Aedrianne Acar

Mainit na pinag-uusapan ngayon ang isyu tungkol sa kung anong brand ng COVID-19 vaccine ang dapat bilhin ng gobyerno.

Lalo na at hindi pa rin mapigilan ang paglobo ng kaso ng mga tinamaan ng coronavirus. Sa pinakahuling datos ng Department of Health (DOH), as of January 13, may naitala nang 492,700 kaso ng COVID-19 sa bansa.

Samantala, mayroong 9,699 na namatay at mahigit sa 458,000 naman ang naka-recover.

Ikinabahala ng marami ang plano ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na bumili ng COVID-19 vaccine sa bansang China.

Kamakailan lang, ini-report ng GMA News na ang coronavirus vaccine na dinivelop ng Sinovac ay nakapagtala lamang ng “general efficacy” na 50.4% sa late-stage trial nito sa bansang Brazil.

Pero may napirmahan na ring ibang kasunduan ang gobyerno na bumili sa British pharmaceutical firm na AstraZeneca ng 20 million doses ng COVID-19 vaccine.

Ito ay bukod pa sa tripartite agreement na pinirmahan noong Nobyembre 2020 ng Philippine government, private sector, at AstraZeneca para sa 2.6 million doses.

Dahil diyan, nagbigay ng opinyon ang Henyo Master na si Joey de Leon at gusto niyang ipaalala sa mga dabarkad na ang importante ay kung ang bakuna na gagamitin ay aprubado ba ng Food and Drug Administration o FDA.

Sabi niya sa Instagram post niya kahapon, January 13, “Yung iba ang tingin sa mga brands ng bakuna ay parang Chanel, Louis Vuitton, etc. TANDAAN: Ang importante basta inaprubahan ng Food & Drug Administration (FDA), equal footing o pare-pareho na mga yan, effective at safe!

“Ang pinakamaayos magpaliwanag tungkol dyan para sa akin ay si Dr. Maria Rosario Vergeire. Basta may FDA approval na, WAG MATAKOT, MAKIBAKUNA!”

Sumunod pang hirit ng Eat Bulaga pioneer.

Sa separate Instagram post ni Joey, binigyan-diin niya na ang importante ay lahat makapagbakuna kaysa wala.

“Tulad ng “choosy fruit” na BANANA sa picture, WAG nyong gawin sa BAKUNA! Just remember basta may Food and Drug Administration (FDA) approval, kahit anong brand pa yan, effective and safe yan.

“Wika nga ni Dr. Maria Rosario Vergeire, 'equal footing' o pare-parehong ligtas at may talab na mga yan! Karapatan nyo rin ang mamili at humindi ngunit higit na buti ang makukuha kaysa wala! Tandaan: Basta aprubado ng FDA, WAG MATAKOT, MAKIBAKUNA!”

Kayo po mga dabarkad, alin brand ng COVID-19 vaccine ang mas gusto n'yo?

Heto at atin balikan mga Kapuso, ang mga celebrities at personalities na napagtagumpayan ang laban nila sa COVID-19.