Showbiz News

'The Romantic Doctor 2,' malapit nang mapanood sa GMA

By Dianara Alegre

Magbabalik ang acclaimed South Korean actor na si Han Suk-kyu bilang si Master Kim sa The Romantic Doctor 2.

Bibida rin sa series ang mga South Korean actors na sina Ahn Hyo-seop at Lee Sung-kyung.

Ang The Romantic Doctor 2 ang sequel ng seryeng The Romantic Doctor na unang umere sa GMA noong 2017.

Tampok sa serye ang panibagong journey ng nag-iisang surgeon sa South Korea na nakatanggap ng triple-board certification sa general surgery, cardiothoracic surgery, at neurosurgery na si Dr. Daniel Boo o mas kilala sa tawag na Master Kim.

Dahil nangangailangan ang pinagtatrabahuhan niyang ospital na Doldam Hospital ng general surgeon, nagtungo siya sa Geosan University Hospital sa Seoul para mag-recruit ng medical experts. Doon ay nakilala niya ang general surgeon na si Dr. Wesly Seo (Ahn Hyo-seop) at ang cardiac surgeon na si Emily Cha (Lee Sung-kyung) at sila ang napili para lumipat sa Doldam Hospital sa Gangwon Province.

Hindi maganda ang nakaraan ni Wesley, dahilan para hindi siya pakitunguhan nang maayos nang mga katrabaho niyang doktor, pero nakitaan siya ng potensiyal ni Master Kim. Si Emily naman ay nasuspinde sa trabaho dahil sa mga kamalian at pagkukulang niya habang nasa gitna ng operasyon kaya wala siyang choice kundi ang sumama kina Master Kim at Wesley sa Doldam Hospital.

Ang The Romantic Doctor 2 ay nakatanggap ng mga parangal mula sa ilang award-giving bodies kabilang na ang 2020 Art Awards kung saan nasungkit ng programa ang Best Viewership Ratings; Excellence Award, Actor in A Miniseries Genre/Action Drama para kay Ahn Hyo-seop at Excellence Award, Actress in A Miniseries Genre/Action Drama para kay Lee Sung Kyung sa 28th SBS Drama Awards; Best New Actor (TV) para kay Ahn Hyo Seop sa 56th Baeksang Arts Awards; at AAA Best Actor award para kay Ahn Hyo Seop at AAA Best Actress award kay Lee Sung Kyung sa Asia Artist Awards 2020.

Handog ng GMA Heart of Asia ngayong 2021, tunghayan ang nakakaantig-damdaming Korean drama na The Romantic Doctor 2 malapit nang mapanood sa GMA.