Showbiz News

Boys Over Flowers: Jun-pyo, to the rescue kay Geum Jan-di!

By Dianara Alegre

Tuluyan nang na-in love ang leader ng F4 na si Gu Jun-pyo (Lee Min-ho) sa commoner na si Geum Jan-di (Ku Hye Sun). Sunud-sunod ang ginagawang efforts ni Jun-pyo para maiparating kay Jan-di na gusto niya ito.

Nararamdaman ni Jan-di ang nais ipahatid ni Jun-pyo ngunit hindi pa rin lumalambot ang puso niya para sa binata.

Si Yoon Ji-hu (Kim Hyung Joong), miyembro rin ng F4 at best friend ni Gun-pyo, ang nilalaman ng puso niya.

Ngunit kahit na ganoon, tinanggap na ni Jan-di na hanggang doon na lamang ang feelings niya para kay Ji-hu dahil in love si Ji-hu sa iba, sa kababata nitong si Min Seo-hyun (Han Chae-young).

Umuwi sa South Korea si Seo-hyun para ipaalam sa pamilya nitong nais niyang permanenting manirahan at gumawa ng sariling career sa Paris, France.

Hindi naging madali para kay Ji-hu ang desisyong ito kaya para hindi na mapawalay sa minamahal niya, sinundan niya ito sa Paris.

Samantala, habang wala si Ji-hu sa South Korea ay mas lalong nagkaroon ng tyansa si Jun-pyo kay Jan-di.

Sa katunayan, niyaya niya si Jan-di sa isang official date. Hindi umoo si Jan-di sa date ngunit itinuloy pa rin ito ni Jun-pyo.

Sa araw ng kanilang date ay naging abala si Jan-di at nawala na sa isip niya ang kanilang date. Naalala niya lamang ito nang makita ang snow at maisip si Jun-pyo na naghihintay sa kanya.

Tama ang hinala na ni Jan-di, nakita niya si Jun-pyo na sobrang nilalamig na dahil sa snow ngunit patuloy pa rin ang paghihintay sa kanya.

Nakaramdam ng guilt si Jan-di kaya niyaya niya si Jun-pyo sa Namsan Tower para magkape at para na rin magpahinga.

Dahil late na noon, nagsarado na ang tower at nai-lock ang mga labasan.

Lingid sa kaalaman ng security guard na naroon pa ang dalawa. Nakulong sila sa loob at nagpasyang doon na magpalipas ng magdamag.

Makalipas ang ilang araw, kumalat ang balitang magkarelasyon na sina Jan-di at Jun-pyo dahil nakunan sila ng litratong magkasama.

Itinanggi ito ni Jan-di sa harap ng schoolmates nila pero dumating si Jun-pyo at idineklarang girlfriend na nga si Jan-di.

Marami ang nainggit sa dalaga dahil sa dinami-rami ng babaeng nagkakagusto sa leader ng F4, ang commoner at laundry girl na si Jan-di pa ang minahal nito.

Ngunit isang araw ay kumalat din ang balitang labis na nagpahina kay Jan-di.

Naglabasan kasi ang mga litratong may kasama si Jan-di sa isang hotel na lalaki at tulog siyang nakayakap dito. Marami ang nagulat at nagalit sa umano'y scandal ni Jan-di.

Pinandirihan siya at nilait dahil hindi sila makapaniwalang bilang girlfriend ni Jun-pyo ay ginawa niya ito.

Itinanggi ni Jan-di na siya ang nasa larawan at hindi umano totoo ang ibinibintang sa kanya. Ngunit huli na ang lahat dahil napaniwala na si Jun-pyo sa mga larawang nakita niya.

Parang gumuho ang mundo ni Jan-di dahil mula sa pagiging mabait sa kanya ng schoolmates niya bilang ang babaeng nagpatibok ng puso ng iniidolo nila, siya na ulit ang naging tampulan ng pambu-bully sa school at mas naging matindi pa ito.

Pinagbabato nila si Jan-di ng kung anu-ano hanggang sa magkasugat-sugat ito. Umabot sa puntong hindi na kayang ipagtanggol ni Jan-di ang sarili niya at halos mawalan na siya ng pag-asa ngunit dumating si Jun-pyo para ipagtanggol siya sa lahat ng nanakit sa kanya.

Kahit na nasaktan sa mga nakita, nanaig pa rin kay Jun-pyo ang pagmamahal kay Jan-di at pinanghawakan niya ang sinabi ni Jan-di na hindi totoo ang ibinibintang sa kanya.

Matapos ang masusing imbestigasyon na ginawa ni F4, natukoy nila ang nagpakalat ng scandal at nag-frame up kay Jan-di. Ito ay walang iba kundi ang nag-iisang babaeng itinurong na kaibigan ni Jan-di sa Shinhwa High School, si Oh Min-ji.

Si Min-ji pala ay dating matagal nang may pagtingin kay Jun-pyo. Una silang nagkita noong mga bata pa sila at nasaktan siya nang sabihan siyang pangit ni Jun-pyo. Mula noon ay ginawa niya ang lahat para ma-enhance ang beauty niya at makapasa sa standards ni Jun-pyo.

Subaybayan ang Boys Over Flowers mula Lunes hanggang Biyernes, 8:45 ng gabi, sa GMA News TV!

Kilalanin ang cast ng Boys Over Flowers sa gallery na ito: