Showbiz News

Teacher-student love story nina Alden Richards at Jennylyn Mercado sa 'Wagas,' mapapanood ngayong January 24

By Aaron Brennt Eusebio

Noong 2013, tinampok sa drama romance anthology na Wagas ang pag-iibigan ng gurong si Lolet Carangga at ang estudyante niyang si Arnel Secerio na binigyang buhay nina Asia's Multimedia Star Alden Richards at Ultimate Star Jennylyn Mercado.

Alden Richards at Jennylyn Mercado bilang Arnel Secerio at Lolet Carangga sa 'Wagas.'

Higit pa ang panghanga ng third year transferee student na si Arnel sa kanyang history teacher na si Lolet. Sa katunayan, nililigawan niya ito kahit na 12 taon ang agwat ng kanilang edad.

Sa hindi inaasahang pagkakataon, mahuhulog rin ang loob ni Lolet kay Arnel pero may isa lang siyang hiling sa kanyang estudyante--hintayin ang tamang panahon.

Makakapaghintay kaya si Arnel para sa kanyang teacher na si Lolet?

Balikan ang unang pagkakataon na nagkasama ang dalawa sa pinakamagagaling na artista ng GMA Network na sina Alden Richards at Jennylyn Mercado sa Wagas, ngayong January 24, pagkatapos ng All-Out Sundays.