Showbiz News

Actor-director Tony Ferrer, pumanaw na sa edad na 86

By Marah Ruiz

Pumanaw na si Antonio Laxa, o mas kilala sa kanyang stage name na Tony Ferrer, sa edad na 86.

Sinasabing sakit sa puso ang sanhi ng pagkamatay ng actor, producer, at director.

Ayon sa ulat ng PEP.ph, kinumpirma ng anak niyang si Mark Laxa sa entertainment writer na si Mell Navarro na sumakabilang-buhay si Ferrer ngayong Sabado ng umaga, January 23, sa kanilang bahay sa Pasig City.

Tinagurian siyang James Bond of the Philippines dahil sa paglabas niya bilang espiyang si Tony Falcon sa movie series na Agent X-44 noong dekada '60s hanggang '70s.

Pinarangalan din si Ferrer bilang Best Actor sa Quezon City Film Festival para sa 1970 film na Sapagkat Sila'y Aming Mga Anak kung saan co-stars niya sina Boots Anson-Roa and Vilma Santos.

Nominado naman siya sa FAMAS Awards bilang Best Actor sa pelikulang Sabotage noong 1966 at I Love Mama, I Love Papa noong namang 1971.

Naging bahagi din siya ng ilang international movies tulad ng The Vengeance of Fu Manchu kasama si Christopher Lee noong 1967, Cosa Nostra Asia noong 1974, Cover Girl Models noong 1975, at Blind Rage noong 1978.

Unang beses naman siya nag-direct ng musical film ng disco musical group na Hagibis na Legs... Katawan... Babae! noong 1981.

Si Ferrer rin ang ama ng actress na si Maricel Laxa, at lolo ng young actor na si Donny Pangilinan.

Main image courtesy of Maricel Laxa via mommymaricel.com