
Mapapanood na sa Lunes, February 8, ang bagong journey ni Han Suk-yu bilang Dr. Daniel Boo sa The Romantic Doctor 2. Kilala bilang Master Kim, siya ang hinahangaang doktor ng Doldam Hospital sa South Korea at sa pagpapatuloy ng critically-acclaimed series, makakasama niya ang mga bagong doktor na sina Wesley So at Emily Cha..
Sa serye, gaganap ang award-winning actor na si Ahn Hyo-seop bilang si Wesly, ang 2nd year general surgery fellow na mayroong troubled past. Bukod dito, kinaiinisan din siya ng mga kapwa doktor dahil sa pagiging whistle blower niya.
Ang multi-talented actress naman na si Lee Sung-kyung ang gaganap sa karakter ni Emily, ang 2nd year cardiac surgery fellow na determinadong maging matagumpany na doktor. Gayunman, mayroon siyang anxiety/panic disorder sa tuwing magkakaroon ng operasyon.
Haharap sa mga bagong hamon si Master Kim laban sa mga personalidad na nais siyang makitang bumagsak at mabuwag ang minamahal niyang Doldam Hospital.
Isa na rito si Dr. Miguel Park na gagampanan ni Kim Joo-hun, ang popular na propesor at kalaunan ay magiging presidente ng Doldam Hospital. Dahil sa bus accident na kinasangkutan niya at ni Master Kim sa nakaraan, ang huli ang magiging tampulan niya ng galit.
Insecure siya kay Master Kim dahil sa taglay nitong galing at matatag na paninindigan sa pagsasalba ng buhay ng mga pasyente, mayaman o mahirap, maimpluwensiya man o hindi.
Sunod na rito si Chairman Luis Do na gagampanan ng aktor na si Choi Jin-ho, ang bagong chairman ng Geosan Foundation na may hawak sa Doldam Hospital.
Dahil hindi niya napagbagsak si Master Kim sa una niyang pagtatangka, mas maigting ang pagnanais niyang makitang nagdurusa ang mahusay na doktor. Gagawin niya ang lahat para lamang masira ang Doldam Hospital na alam niyang magiging mitsa rin ng paghihirap ni Master Kim.
Sa sequel ng seryeng The Romantic Doctor na unang umere sa GMA Network noong 2017, mas makikita ang angking galing ni Master Kim hindi lamang pagdating sa pagsalba sa kanyang mga pasyente kundi pati na rin sa pag-agapay sa kanyang mga kasamahan.
Bukod sa pagiging tanyag na doktor, tinitingala rin si Master Kim bilang isang taong may puso, may paninindigan, at higit sa lahat, mapagmahal.
Kahit kinatatakutan ng ilan, mas nananaig pa rin ang respeto at paghanga nila rito.
Magawa kayang ipagtanggol ni Master Kim ang sarili, kanyang mga kasamahan, at ang Doldam Hospital laban sa mga kalaban?
Abangan ang The Romantic Doctor 2 simula February 8, sa GMA.
Samantala, mas kilalanin pa ang cast ng award-winning series sa gallery na ito: