Showbiz News

Tekla, ipinakita ang bagong bahay sa isang vlog

By Jansen Ramos

Ipinakita ni Tekla ang kanyang bagong bahay sa joint YouTube channel nila ni Donita Nose na 'Donekla in Tandem' kahapon, February 4.

Ayon sa vlog, magkalapit lang ang bahay na nabili ni Tekla sa bahay ng kanyang kaibigang si Donita.

Ika ni Tekla, "'Di ko inakalang magkakaroon ako ng ganito. Sabi ko kung darating, darating, kaya magtiwala lang po tayo sa Diyos at saka samahan ng sobrang sipag, tiyaga, at disiplina. 'Di imposibleng magkakaroon kayo ng ganito."

Bare at wala pang laman ang bahay na may dalawang palapag nang i-turn over ito kay Tekla. Aniya, pag-iipunan pa niya ang pagbili ng gamit at pagpapakabit ng tiles.

May apat na kwarto ang kanyang bagong bahay. Isa rito ay plano niyang gawing opisina o studio para sa pagbuo ng content para sa kanyang YouTube channel.

Sambit ng komedyante, "Ang sarap sa pakiramdam, worth it 'yung pagod, 'yung sacrifice, 'yung effort natin. Pinapakita po natin ito sa mga ka-tandem natin na may kinapupuntahan po 'yung pag-like ninyo, pag-share ninyo, at panonood, at pagsuporta ninyo sa Donekla in Tandem."

Ayon pa kay Tekla, dream come true na na makuha niya ang kanyang forever home sa kabila ng mga kinaharap niyang probelma sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Sabi niya, "Nakakataba ng puso, nakaka-inspire dahil despite sa dami ng pinagdaanang hirap, kagipitan, kakulangan, pandemic, lahat, kung anu-anong nangyari but, still, kung my faith ka kay God [mangyayari lahat ng pinagdarasal mo.]

"Magtiwala ka kung meron kang gustong marating sa buhay. Basta sipagan mo lang, pursigido kang mangarap, matutupad 'yan.

"Tulad nito, tulad ni Donita, nangarap, nag-ambisyon, nagkaroon, nagsumikap, nawa'y kapulutan n'yo 'to ng inspirasyon ang aming journey sa Donekla."

Sa huling parte ng vlog, nangako si Tekla na patuloy silang maghahandog ni Donita ng saya sa mga sumusuporta sa kanilang vlogs.

Aniya, "Wala po kaming kaming ibang hangad kundi ang mabigay ng inspirasyon, saya, at ngiti sa mga taong nagmamahal at sumusuporta sa Donekla in Tandem kaya welcome po kayo sa house ko.

Panoorin ang house tour vlog ni Tekla dito:

Sa ngayon, may mahigit 2.5 million subscribers na ang joint YouTube channel nina Tekla at Donita Nose na 'Donekla in Tandem.'

Maliban dito, may kaniya-kaniya rin silang channel. Ang YouTube channel ni Tekla ay may 905,000 subsribers, samantalang may 190,000 subscribers naman si Donita.

Kung na-inspire kayo kay Tekla, narito pa ang ibang content creators na nakapundar ng mga ari-arian dahil sa pagba-vlog.