GMA Logo lotlot de leon with dave bornea and lucho ayala
What's Hot

Wish Ko Lang: Ina, kinatay at kinain ng kanyang mga anak

By Racquel Quieta
Published February 12, 2021 5:42 PM PHT

Around GMA

Around GMA

Iñigo Jose names Kapuso actresses he wants to work with
Ogie Alcasid gives seven relationship tips for daughter Leila Alcasid
4th leg ng Noel Bazaar nasa Filinvest Tent sa Alabang, mula Dec.19-21, 2025 | 24 Oras

Article Inside Page


Showbiz News

lotlot de leon with dave bornea and lucho ayala


Paano nagawa ito ng magkakapatid na lalaki sa kanilang sariling ina?

Tila isang kathang-isip na kuwentong katatakutan ang istoryang tampok sa bagong Wish Ko Lang ngayong Sabado. Isang ina kasi ang walang-awang kinatay at kinain pa ng sarili niyang mga anak!


Behind-the-scenes sa Kinatay episode ng bagong Wish Ko Lang

Source: Wish Ko Lang

Kasuklam-suklam na nga na nagawang patayin ng magkakapatid na lalaki ang sarili nilang ina, ngunit mas lalo pang naging karumal-dumal ang krimen nang kainin pa nila ang lamang-loob ng kanilang nanay.

Ito ang kuwentong isasadula ng mga Kapuso stars na sina Lotlot de Leon, Michael Flores, Shaira Diaz, Lucho Ayala, Dave Bornea at Anjo Damiles ngayong Sabado.


Isa sa mga eksena ng stars ng 'Kinatay' episode ng bagong Wish Ko Lang

Source: Wish Ko Lang

Sa isang liblib na lugar sa Ampatuan, Maguindanao naganap ang nasabing krimen. Isang 56 na taong gulang na nanay ang naging biktima ng nasabing krimen at ang tatlong anak niyang lalaki edad 35, 21 at 18 ang mga suspect.

Noon pa man ay napagtsitsismisan at kinakatakutan na ang nasabing pamilya sa kanilang lugar dahil ayon sa usap-usapan ay pamilya raw di umano sila ng mga aswang.

Maagang namatay ang ama ng magkakapatid at itinaguyod sila ng kanilang ina sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga gulay.

Dahil sa hirap ng buhay ay hindi na nakapag-aral ang magkakapatid at tinulungan na lamang nila ang kanilang ina na magbanat ng buto.

Ang panganay nila ay sumama sa kanilang nanay sa pagtatanim, habang namasukan naman bilang construction worker ang pangalawa sa kanila.

Samantala, ang bunso nilang kapatid ay nag-aral magmaneho ng motor para may dagdag na kita.


Dave Bornea at Lucho Ayala bilang ang magkaptid na suspect sa pagkatay sa kanilang ina

Source: Wish Ko Lang

Nang lumaon ay tumigil na sa pagtratrabaho ang kanilang ina dahil nagsimula na itong mag-ulyanin dahil sa katandaan.

Minsan pa nga raw ay nagwawala ito kapag sinusumpong at tila sinasaniban ng masamang espiritu.

Isang araw ay may narinig na ingay ang kanilang mga kapitbahay mula sa kanilang bahay na tila ba may nag-oorasyon.

Ipinagwalang-bahala nila ito hanggang sa kinabukasan ay nagulat na lamang sila na may masangsang na amoy na umalingasaw sa paligid.


Lotlot de Leon bilang ang ina na kinatay ng sarili niyang mga anak

Source: Wish Ko Lang

Nang pasukin ng mga awtoridad ang kanilang bahay, doon na tumambad ang walang buhay na katawan ng ina ng naturang pamilya.

May laslas sa leeg ito at wala na ang kanang mata ng kanilang ina. Bukod pa riyan ay tuyo na ang dugo nito at halos wala nang natirang lamang-loob sa kanyang katawan.

Hinala ng mga awtoridad ay kinain ng mga anak ang lamang-loob ng kanilang ina matapos nila itong patayin.


Sina Shaira Diaz at Anjo Damiles sa 'Kinatay' episode ng bagong Wish Ko Lang

Source: Wish Ko Lang

Depensa ng mga anak, dinasalan lamang nila ang kanilang ina ng orasyong natutunan nila mula sa kultong kanilang sinalihan at iniwan na nila ito nang umaga bago raw sila magsipasok sa kani-kanilang trabaho.

Ngunit nang magsagawa ng drug test, lumabas na dalawa sa tatlong anak ng namatay na ginang ang positibo sa droga at bukod-tanging ang bunso lamang ang nag-negatibo.

Tama kaya ang hinala ng mga awtoridad na ang magkakapatid ang gumawa ng karumal-dumal na krimen? At paano kaya matutulungan ng Fairy Godmother ng Bayan ang pamilyang ito na makabangon mula sa matinding bangungot na ito?

Abangan ang mga kasagutan sa 'Kinatay' episode ng bagong Wish Ko Lang ngayong Sabado, alas-4 ng hapon sa GMA-7.

Maaari ring mapanood ng mga Kapuso abroad ang bagong Wish Ko Lang sa GMA Pinoy TV. Para sa program guide visit www.gmapinoytv.com.

Vicky Morales grateful for warm reception to all-new 'Wish Ko Lang' episodes