Showbiz News

Boys Over Flowers: Ang bagong pagsubok sa pagmamahalan nina Jan-di at Jun-pyo

By Dianara Alegre

Opisyal nang magkasintahan sina Geum Jan-di at ang leader ng F4 na si Gu Jun-pyo.

Napagtanto nila na ang isa't isa ang itinitibok ng puso nila pagkatapos magkaroon ng paligsahan sa pagitan nina Jun-pyo at Ji-hu para sa karapatan ng huli na makapag-aral sa Shinhwa High School at para na rin sa puso ni Jan-di.

Ngayong malinaw na ang kanilang nararamdaman para sa isa't isa, nagkaroon ng official dates ang dalawa. Mayroong sobrang magarbo gaya ng kagustuhan ni Jun-pyo na mula sa isa sa mga pinakamayamang pamilya sa South Korea. Nagkaroon din sila ng simpleng dates na pasok naman sa style ni Jan-di.

Kahit na hindi sanay sa mga simpleng bagay, nag-adjust si Jun-pyo sa level ni Jan-di at sumama sa double date na inihanda ng girlfriend niya kasama ang best friend nitong si Chu Ga-eul at boyfriend nito.

Ginawa rin ni Jun-pyo ang lahat ng kanyang makakaya para mapalapit sa pamilya ni Jan-di na naninirahan lamang sa isang simpleng apartment. Payak lang ang kanilang pamumuhay, ngunit masaya at nagmamahalan sila.

Aminado si Jun-pyo na bago sa kanya ang lahat ng ito pero natutuwa siyang maging bahagi ng pamilya ni Jan-di. Lumaki si Jun-pyo na malayo ang kanyang mga magulang dahil sa trabaho at puro mga tauhan lang ng pamilya ang kanyang nakakasama kaya hindi siya nakaranas na makipag-bonding sa mga ito.

Wala siyang memory na masayang kasama ang kanyang pamilya habang lumalaki. Kaya ganoon na lamang ang saya niya nang makasama ang pamilya ni Jan-di.

Maganda ang nagiging takbo ng relasyon ni Jan-di at Jun-pyo hanggang sa isang araw ay bumalik sa South Korea ang nanay niyang si Kang Hee-soo, ang presidente ng pinakamalaking conglomerate sa South Korea, ang Shinhwa Group.

Tagapagmana si Jun-pyo ng kanilang empire at hindi niya papayagang makipagrelasyon o makasal ang anak niya kay Jan-di dahil mahirap lamang ito. At gagawin niya ang lahat para lamang mapaghiwalay ang dalawa.

Subaybayan ang Boys Over Flowers mula Lunes hanggang Biyernes, 8:45 ng gabi, sa GMA News TV!

Kilalanin ang cast ng Boys Over Flowers sa gallery na ito: