Showbiz News

All ages welcome sa Chinese romantic comedy series na 'Love Actually'

By Marah Ruiz

Isang panibagong Chinese drama series ang mapapanood sa bagong lunsad na GTV!

Tunghayan dito isang love story for all ages sa romantic comedy series na Love Actually.

Ito ang pagbabalik sa Philippine television ng tinaguriang Queen of Idol Dramas na si Joe Chen.

Nakilala at minahal siya ng mga Filipino fans sa ilang hit Taiwanese series tulad ng Fated to Love You at Frog Prince na minsan nang ipinalabas noon sa GMA.

Sa Love Actually naman, makakapares niya ang Chinese young superstar na si Wang Yibo.

Isa siya sa mga hottest rising stars ng China dahil sa husay niya sa pagsayaw, pagkanta at pag-arte. Ang Love Actually din ang first-ever television project niya.

Kasama rin sa serye ang veteran at award-wining actor na si Tong Dawei na minsan nang nakatrabaho ang mga batikan at internationally-acclaimed directors tulad nina John Woo at Zhang Yimou.

Sa serye, gaganap si Joe Chen bilang Ariana, isang babaeng nagtatrabaho sa kumpanyang namamahala sa isang malaking restaurant chain.

Makukuha niya ang atensiyon ni Zander, na gagampanan ni Wang Yibo, ang anak ng CEO ng kumpanya. Mayaman man at medyo spoiled, isang IT genius si Zander at nakapagtayo ng sarili niyang game development company.

Bagong hire sa kumpanya ni Zander si Darren, na role naman ni Tong Dawei. Magiging malapit din siya kay Ariana at magiging karibal ni Zander sa puso ng dalaga.

Sino ang pipiliin ni Ariana sa huli?

Alamin 'yan sa Chinese romantic comedy series na Love Actually. Abangan ito, soon on GTV!