Showbiz News

KMJS: Resulta ng Cross-DNA test ng pamilya Sifiata at Mulleno, lumabas na!

By Dianara Alegre

Sinubaybayan ng publiko ang mala-teleseryeng kuwento nina Aphril Sifiata at Margareth Mulleno na nagkapalit ng baby nang sabay na nanganak sa kaparehong linggo sa H Vill Hospital sa Rodriguez, Rizal.

Sa ikalimang kabanata ng “Baby Switching” story Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS), nabigyan na ng tuldok ang ilang linggo ring pinakahinihintay ng madla, lalo na ng mga pamilyang involved.

Sa ginawang cross-DNA test ng dalawang pamilya, nadiskubreng nagkapalit nga ang dalawang sanggol na inaruga at iniuwi nina Aphril at Margareth.

Unang sumailalim sa DNA test sina Aphril at Margareth para malaman kung positibo bang kanilang mga anak ang mga hawak na sanggol.

Sa inilabas na resulta ni Mr. Jaime Lazatin, DNA Testing Center Representative, parehas na negatibo ang lumabas, dahilan para masundan ito ng cross-DNA test sa mga sanggol na hawak nina Aphril at si Margareth.

Sa bagong episode ng KMJS nitong Linggo, February 28, personal na nagharap ang dalawang pamilya kasama sina GMA News Pillar Jessica Soho at Mr. Lazatin upang sabay-sabay na marinig ang resulta.

“Masaya po kasi matatapos na 'yung isyu po about sa baby na maibabalik na po sa mga totoo nilang magulang.

"Malungkot din po para sa 'min kasi 'yung baby po na inalagaan po namin ng isang buwan nalalayo na sa amin,” lahad ni Marvin Sifiata, asawa ni April, nang tanungin ng award-winning host ang kanilang nararamdaman nang mga oras na iyon.

Dagdag pa ni Aphril, “Paggising ko po ng umaga karga siya ni Marvin dun ko na po na-realize na matatapos na 'yung pag-aalaga namin sa kanya.”

Para naman sa kabilang pamilya, nagpapasalamat pa rin sila na maagang natuklasan na hindi kani-kanilang baby ang naiuwi nila.

“We're very happy na maaga nalaman rather than months or worse years na bago nalaman na mali pala 'yung baby.

"Even though very stressful 'yung mga nangyari for the past few weeks, inisip na lang namin na dalawa na 'yung baby namin. Dalawa na 'yung panganay ko,” pahayag ni Kim Jasper Mulleno, asawa ni Margareth.

Kuwento naman ni Margareth, 'tila nararamdaman daw ng baby ang sitwasyon nila ngayon nang magpaalam siya sa sanggol.

Sabi ko, 'Uy, malapit ka nang umuwi sa parents mo,' umiyak siya. Siguro nalungkot kasi pina-process niya din. Kahapon maghapon naglalambing lang siya sa amin salitan. Parang ayaw niyang naiiwanan siyang mag-isa sa kuwarto tapos nung sinabi kong, 'Magkikita pa naman tayo,' nag-sad face lang siya,” aniya.

Sabi pa niya, “Ito po talaga 'yung pinakainaasahan namin na sana 'yun na lang talaga para hindi na rin siya tumagal pa. Kasi very very stressful po for everyone most especially kung 'yung isa nag-positive and 'yung isa nag-negative.”

Kung ang publiko at ang KMJS team na naging emotionally invested na rin sa kuwento ay sobrang apektado, sinabi ni Margareth na magkahalong emosyon din ang kanyang nararamdaman.

“Medyo nahihirapan po akong matulog kasi nae-excite, natatakot, kinakabahan pero pinagpe-pray ko na lang po talaga na sana ito na, last na 'to,” aniya.

Pagkaraan ay inanunsiyo na ni Mr. Lazatin ang resulta ng DNA test nina Margareth at baby na hawak ni Aphril at kumpirmado, mag-ina ang dalawa.

“We're very happy na it's confirmed that the baby na nasa kabila is ours,” sabi ni Kim Jasper.

Para naman kina Aphril at sa baby na hawak ni Margareth, 99.99998% ding positibong mag-ina ang mga ito.

“Sobrang saya po. Totoo po 'yung hinala namin,” ani Aphril.

Pagkatapos malaman ang resulta ay masayang nagpalitan ng baby ang pamilya Sifiata at Mulleno.

Anila, hindi raw ito ang huling beses na magkikita at magkakasama ang bawat pamilya.

Panoorin ang espesyal na pagtatampok na ito ng Kapuso Mo, Jessica Soho:

Samantala, tingnan ang ilan pang KMJS na pinag-usapan din online:

Related content:

KMJS: Live selling, dibdiban na ang labanan

KMJS: Lalaki, sampung beses nagparetoke dahil sa bullying

KMJS: Ang bagong P5,000 bill