
Tungkol sa pag-ibig at panlabas na anyo ang episode ng bagong Wish Ko Lang ngayong Sabado na pagbibidahan ng Kapuso actress na si Ashley Ortega.
Ashley Ortega bilang si Ribby, ang dalagang pinaglihi umano sa baboy ramo / Source: Wish Ko Lang
Sa nasabing episode, gaganap si Ashley bilang si Ribby, isang dalaga na 'di umano'y ipinaglihi raw ng kanyang ina na si Marivic (Lovely Rivero) sa baboy ramo.
Nang ipanganak si Ribby, laking gulat ng nanay niyang si Marivic nang makita ang itsura nito. May mga parte kasi ng mukha at leeg ni Ribby na kulu-kulubot at nangingitim, kaya nasabing ipinaglihi ito sa baboy ramo.
Sina Ashley Ortega at Lovely Rivero bilang mag-inang Ribby at Marivic / Source: Wish Ko Lang
Sa paglaki ni Ribby ay lubos ang pag-iingat sa kanya ng kanyang ina, dahil alam nito na maaaring may mangutya o manakit sa anak.
Ani Marivic kay Ribby, “Malupit ang mga tao sa mundo. Mapanlait sila. Sasaktan ka lang nila, lalo na 'yung mga tulad mo.”
Nang minsan ngang naglalakad sina Ribby at Marivic, may mga lalaking humarang sa kanila at nais makilala ang dalaga.
Ngunit nang tanggalin nila ang telang nakabalot sa ulo nito, laking gulat ng mga lalaki nang makita ang itsura ni Ribby.
Tinawag nila siyang aswang at pinagbantaang papatayin.
Mabuti na lamang at dumating ang binatang si Noel (Arvic Tan) at ipinagtanggol sila sa mga salbaheng lalaki.
Kinalaunan, inamin ni Noel na mayroon siyang pagtingin sa dalaga sa kabila ng kakaibang anyo nito.
Si Noel, ang binatang magpapaibig kay Ribby / Source: Wish Ko Lang
At nang madiskubre ng ina ni Ribby na tila nagkakamabutihan na sina Noel at Ribby, pinigilan niya ang anak.
Nagalit si Ribby sa kanyang ina na si Marivic at ipinagtanggol ang pag-iibigan nila ni Noel.
Ani Ribby, “Magkaiba kayo, Nay! Siya, gusto niya kong maging malaya. E ikaw kinukulong mo ko sa loob ng bahay!”
Sagot naman ni Marivic, “Hindi kita kinukulong! Pinoprotektahan kita!”
Sa gitna ng kanilang pagtatalo ay nasampal ni Marivic ang anak kaya tumakbo ito palayo at tuluyan nang sumama kay Noel.
Ngunit sa paglayas ni Ribby sa kanilang tahanan, 'di niya inaasahang sa perya pala siya dadalhin ni Noel at magiging atraksyon pala siya dito bilang ang Babaeng Baboy Ramo.
Si Ribby, magiging atraksyon sa isang perya / Source: Wish Ko Lang
Kasama rin sa Babaeng Baboy Ramo episode ang 'StarStruck' alumna na si Diva Montelaba at 'The Lost Recipe' actor na si Prince Clemente.
Sina Diva Montelaba at Prince Clemente sa “Babaeng Baboy Ramo” episode / Source: Wish Ko Lang
Alamin kung pinaibig nga lang kaya ni Noel si RIbby upang gawing atraksyon sa perya o tunay ang kanyang pagmamahal rito.
At abangan kung paano tutulungan ng Fairy Godmother ng Bayan na si Vicky Morales ang babaeng binansagang Babaeng Baboy Ramo sa bagong Wish Ko Lang, ngayong Sabado, alas-4 ng hapon sa GMA-7.
Maaari ring mapanood ng mga Kapuso abroad ang bagong Wish Ko Lang sa GMA Pinoy TV. Para sa program guide, visit www.gmapinoytv.com.
RELATED:
Wish Ko Lang: Lalaki, biglang dumating sa sariling burol?
Wish Ko Lang: Ina, kinatay at kinain ng kanyang mga anak