Showbiz News

Jessica Villarubin, may mensahe sa kanyang bashers

By Cherry Sun

Nagkuwento ng kanyang karanasan sa pambu-bully at napahayag ng mensahe si Jessica Villarubin para sa kanyang bashers nang harapin niya ang entertainment press sa isang virtual media conference kahapon, March 15.

Bata pa lamang daw si Jessica ay tampulan na siya ng panlalait dahil sa kanyang hitsura.

Aniya, “As in growing up nabu-bully na talaga ako. Parang pangit nga, pango 'yung ilong ko, ganun. Maganda lang 'yung boses pero 'di naman ako maganda. Actually, madami na po, pati sa work ko. Madami, parang kahit saan ako magpunta, parang sinusundan ako ng ganun.”

At kahit sa kanyang paglaki ay nagpatuloy ang pamba-bash ng mga tao sa paligid niya.

“Nung nag-apply ako ng work tapos sabi nung isang boss na, 'Tatanggapin n'yo ba 'yan? Kasi 'pag tinanggap n'yo 'yan, mahihiya akong mag-perform sa stage.' Pag sinasabihan ka ng ganun… kaya nasasabi ko sa sarili ko, 'Lord, ganun ba talaga ako kapangit? Ganun ba talaga?' Alam mo 'yun pero nagpapasalamat din talaga ako na may talent ako. Ganun 'yung jino-joke ko eh, 'Okay lang hindi maganda, may talent naman.' Ina-appreciate ko na lang 'yung self ko kasi wala namang ibang magmamahal sa sarili mo kundi ikaw lang ho 'di ba?”

Noong sumali siya sa The Clash Season 3 kung saan mas marami nang tao ang makakakita sa kanya, inasahan na ni Jessica na lalo siyang makakatanggap ng kritisismo. Marami man ang patuloy na nangutya sa kanya, napansin din niyang marami ang sumusuporta at nagmamahal sa kanya.

“Masaya ako na parang marami tumatanggap sa akin, na parang ngayon ko lang na-realize na parang, hala hindi ko inexpect na ang dami palang taong sumusuporta sa akin. 'Di lang talaga natin maiiwasan 'yung may mang-bash. Nag-focus ako sa mga tao talagang nagmamahal sa akin, sumusuporta sa akin at naninwiala po sa akin.”

Inihanda rin daw niya ang kanyang sarili nang piliin niyang sumailalim sa operasyon upang i-enhance ang kanyang itsura.

Ni-ready ko naman 'yung self ko before ko 'to gagawin sa sarili ko. Kasi naman lahat naman ng tao may opinyon, like may masasabi sila. 'Yun, 'yung iba magiging masaya, 'yung iba din parang hindi… Iniisip ko rin talaga naman 'yung sarili ko, kung saan ako masaya, at saka 'yung mga taong sumusuporta sa akin, 'yung family ko. Super supportive po sila sa journey kong ito.

“Parang hindi naman talaga mawawala 'yung pamba-bash, parang nandun naman talaga siya. Pero 'yung sa akin lang talaga, focus lang talaga ako sa mga taong nagmamahal sa akin at sumusuporta sa akin at naniniwala sa akin.”

Sa haba nang panahong naranasan niya ang laitin at husgahan,nadiskubre raw ni Jessica na mas dapat mahalin ang sarili at huwag manghusga ng ibang tao.

“Siyempre nasasaktan ako pag bina-bash ako. Siyempre nandun naman 'yun, hindi naman maiwasan na masaktan tayo 'no pero palagi kong nire-remind 'yung self ko na mas kilala ko 'yung sarili ko eh. Mas nagfo-focus ako sa mga taong nagmamahal sa akin, 'yung family ko."

Itong aral na ito ang nais niyang iparating sa kanyang bashers.

“Ang masasabi ko sa bashers ko, nagpapasalamat ako sa kanila dahil kung hindi po dahil sa kanila, hindi po ako magiging strong. Kung saan man ako ngayon, parang sila 'yung rason na parang gusto ko pang mag-strive. Parang gusto ko pang ipakita na hindi ako ganyan. Ganun kasi ako eh, hindi ako pumapatol sa bashers talaga. Parang gusto ko lang ipakita sa inyo na hindi n'yo ko dapat i-judge lang sa panlabas o ano man.

“Dapat kilalanin nila 'yung tao din, kung sino sila, saan sila nanggaling, ano 'yung pinagdadaanan nila. Kasi minsan kasi 'yung tao may sinasabi lang na parang, 'Ah, 'di naman 'yan maganda,' mga ganun. Pero di naman talaga nila alam kung sino ka, nangja-judge lang sila.”

Mas kilalanin kung sino si Jessica Villarubin sa pamamagitan ng gallery na ito: