Showbiz News

KMJS: Lolang na-ghost ng first love, may closure bang mahahanap?

By Dianara Alegre

Mahigit anim na dekada na ang nakalipas noong nagkaroon ng first love si Lola Avelina Gambala-Cordova, si Guillermo Mendoza. 'Yun nga lang, bigla na lamang daw itong hindi na nagparamdaman sa kanya o kung sa tawag ngayon, na-ghost.

Ayon kay Lola Avelina, madalas niya raw maalala ngayon ang kanyang unang pag-ibig. Kahit 83-anyos na ay malinaw pa rin sa kanyang alaala ang hitsura nito noong magkasintahan pa sila.

“Matipuno dahil nagboboksing siya, e. Matangos din ang ilong. Maamo din ang mata, mapungay din. Siya pa lang ang lalaking nagsabi sa akin na mahal niya ako,” aniya.

Dahil bigla na lamang naglaho na parang bula ang kanyang iniirog, inamin ni Lola Avelina na madalas niya raw itong mapanaginipan.

“Minsan napapanaginipan ko siya, 'Uy ang daya mo. Sabi mo walang iwanan. Ba't mo ko iniwan. Hindi ka man lang nagpaalam.'

“Galit pa rin ako,” lahad pa niya.

Makita pa kaya ni Lola Avelina ang kanyang TOTGA o ang kanyang “The One That Got Away”?

Samantala, nahanap ng Kapuso Mo, Jessica Soho team ang lokasyon at contact details ni Guillermo, ang lalaking tinutukoy ni Lola Avelina na nang-ghost sa kanya.

Nang makapanayam ang ngayon ay 86-anyos nang lolo, nagtugma ang mga alaala ni Lola Avelina patungkol kay Guillermo.

“Ako ay talagang amateur boxer. Siya ang aking inspirasyon. Kahit na sino na pa 'yung kaharap ko sa tingin ko napakaliit para sa akin,” kwento ni Lolo Guillermo.

Bagamat aminado siya na marami siyang nagustuhan noon, si Avelina lang daw ang tunay na nakapukaw ng kanyang puso.

“Mapagmahal siya sa akin. Tinutumbasan ko naman 'yung pagmamahal. Sa katunayan nga, kung kami'y kakain halos isang kutsara lang 'yung aming ginagamit. Sinusubuan ko siya, susubuan niya ako.

“Parati ko sinasabi sa kanya 'I love you, the first of my life.' Talagang in love na in love ako sa kanya. Sa katunayan hindi ko siya ginawan ng anumang kahalayan,” aniya.

Dagdag pa ni Lolo Guillermo, may ilang bagay ang nakapagpapaalala sa kanya kay Lola Avelina at isa na rito ang ang amoy ng bulaklak na Sampaguita.

“Paborito kong bulaklak ang sampaguita. Tuwing maaamoy ko 'yung sampaguita, dadapo sa akin naaalala ko siya. Siya 'yung aking nalalanghap.

“Gusto ko siyang iharap sa dambana na malinis parang anghel,” aniya pa.

Pero bakit bigla na lamang siyang hindi nagparamdaman kay Lola Avelina gayung mahal niya ito?

Alamin ang kanilang kwento sa special feature na ito Kapuso Mo, Jessica Soho:

Related content:

KMJS: Viral na pagkikita nina Richelle at Joebert, mala-Koreanovela