Showbiz News

Rita Daniela, nagbigay-pugay sa yumaong veteran writer-director na si Nestor Torre

By Jansen Ramos

Isa si Rita Daniela sa mga nagluluksa sa pagpanaw ng veteran writer-director na si Nestor Torre.

Sumakabilang buhay si Nestor sa edad na 78 noong Martes, April 6, dahil sa komplikasyong sanhi ng COVID-19.

Binalikan ni Rita ang magagandang isinulat sa kanya ng respetadong journalist sa dyaryo mula noong sumali siya sa QTV singing competition na Popstar Kids noong 2005.

Pagbibigay-pugay ng Kapuso star kay Nestor, "Sir Nestor Torre, maraming salamat po. Isa sa mga respetadong journalists na sumulat sa akin ng write ups noong bata ako at nagsisimula sa industriya. Classic, guguntingin ang section, ididikit sa bond paper at itatago.

"Salamat po sa tiwala and may you rest in peace."

Nakilala si Nestor sa kanyang entertainment column sa Philippine Daily Inquirer na may titulong "Viewfinder." Dati rin siyang editor sa nasabing publication.

Nagpasalamat naman ang pamangkin ni Nestor na si Kat Angeli Torre sa mga nakiramay sa yumaong manunulat.

"He was always larger than life and we feel his absence terribly. We thank you for all of the love and support you've shown Tito and our family over the years," sulat niya sa Facebook.