Showbiz News

Glaiza De Castro, may paalala sa mga asymptomatic COVID-19 patients

First time inamin ni Glaiza De Castro sa 24 Oras ngayong gabi, April 8, na nagpositibo siya sa COVID-19. Ito ay base sa unang isinagawang RT-PCR test sa kanya.

Bahagi niya sa panayam ni Lhar Santiago, "Pinapakiramdaman ko na 'yung sarili ko kung meron akong mga nararamdaman, wala at all.

"Kaya do'n ako nag-quarantine o self-isolate sa condo ko ng mga ilang araw until tumawag na ko sa lab na pwede na kong magpa-reswab, nag-okay naman sila and, thankfully, negative naman po ako."

Asymptomatic si Glaiza nang tamaan ng COVID-19. Gayunpaman, hindi raw dapat makampante rito kaya naman paalala niya sa publiko: "Kahit na wala kang nararamdaman o ang result mo ay nag-postive ka [at wala kang nararamdaman], you really have to monitor yourself and stay at home."

Samantala, laking pasasalamat ni Glaiza na nakabalik na siya sa kanilang bahay sa Baler na sobra raw niyang na-miss.

Halos dalawang buwang hindi nakauwi si Glaiza sa Baler dahil sa lock-in taping niya para sa bago niyang serye na Nagbabagang Luha na pinagbibidahan nila ni Rayver Cruz, kasama si Claire Castro. Gagampanan dito ni Glaiza ang karakter ni Maita, na orihinal na binigyang-buhay ni Lorna Tolentino.

Ani Glaiza, "Nagpapasalamat ako na ang gaan ng set namin kahit mabigat 'yung mga scenes na ginagawa namin at nakakatuwa 'yung bonding namin kahit na wala na kaming taping."

Ang Nagbabagang Luha ay TV adaptation ng 1988 blockbuster movie na base sa nobela sa komiks ni Elena Patron at idinerehe ng National Artist for Cinema na si Ishmael Bernal.

Maliban kay Lorna, bumida rin sa pelikula ang dalawa pang batikang aktor na sina Gabby Concepcion at Alice Dixson.

Mapapanood ang serye soon sa GMA Afternoon Prime.

Para naman sa mga Kapuso abroad, bisitahin ang http://www.gmapinoytv.com para sa karagdagang impormasyon kung paano mapapanood overseas ang upcoming series.