Showbiz News

Victor Anastacio reveals humble beginnings before dabbling in showbiz

By Cara Emmeline Garcia

Halos magdadalawang taon na si Kapuso comedian and actor Victor Anastacio sa GMA Artist Center pero aminado siyang marami-rami ang kanyang mga pinagdaanan upang marating ang kanyang estado sa showbiz ngayon.

Kuwento n'ya sa GMANetwork.com, natuklasan nya ang kanyang pagmamahal sa komedya noong siya'y bata pa lamang dahil hilig na n'yang magpatawa ng kanyang mga kamag-anak at mga kaklase.

Aniya, “Gaya ng maraming tao, nag-start 'yan sa family, sa bahay.

“Ako 'yung comic relief. At 'pag may opening of the gifts, gusto ko ako 'yung nagho-host kaya medyo KSP.

“After sa house, sa school naman laging natatawa 'yung mga classmate ko and then minsan 'yung teacher ko. Tuwing natutuwa sila doon ko naisip na masarap pa lang magpatawa ng tao.”

Salaysay pa ni Victor, mas nagpokus siya sa pagiging komedyante noong siya'y tumungtong sa kolehiyo dahil dito nagsimula ang karera n'ya bilang ganap na stand-up comedian.

“Third year college pa lang ako, doon ako nag-start mag stand-up comedy,” wika niya.

“College pa lang nag-gig na ako sa mga bars o restaurant na puro adults. So kakaibang experience 'yun.”

Matapos siyang maka-graduate sa kolehiyo, sumabak si Victor sa ilang corporate jobs bago siya nakilala bilang host sa isang home TV shopping channel.

“Nung nag-audition naman ako sa home shopping, sinabi sa akin na 'wag ko masyadong seryosohin ['yung role]. So in-incorporate ko 'yung natutunan ko sa stand-up comedy at pinatawa ko 'yung ilang boss with my witty lines at doon nakuha ko 'yung job,” aniya.

“Hindi siya straight path, e. Kailangan mag-try ka ng iba-ibang bagay.

“'Pag tapos nun, may nakakuha sa akin na insurance company for a commercial as a stand-up comedian. Nakita 'yun ng isang digital production house for a digital series.”

Dahil naging interesado siya sa pag-arte, naikuwento rin ni Victor ang pag-enrol niya sa writing workshop ni Ricky Lee na nagbukas sa kanya ng daan para masama sa pelikulang Elise kung saan bumida si Janine Gutierrez at Enchong Dee.

Aniya, “Nandun yung manager ni Janine [Gutierrez] sa GMA Artist Center na nakita ako sa premiere.

“Mga ilang months after, kinontact ako ng Artist Center tapos sinabi nila sa akin na gusto nilang i-explore 'yung comedy ko. After nun, nabigyan na ako ng comedy roles sa GMA at doon ako mas lalong nae-excite.”

Dagdag pa niya, “Ang daming nangyari pero ang sarap lang balikan.”

Ngayon, isa na si Victor sa kumpirmadong cast ng upcoming show na Heartful Café na pinagbibidahan nina Julie Anne San Jose at David Licauco.

Tingnan ang magiging role niya sa Kapuso rom-com series sa gallery na ito: