Showbiz News

Rita Daniela, inaming takot pumiyok noon kapag kumakanta

Bago pa muling sumabak sa taping para sa Ang Dalawang Ikaw, nakihalubilo muna si Rita Daniela sa kanyang fans sa pamamagitan ng kanyang YouTube channel.

Sa kanyang latest vlog, tinupad ni Rita ang request ng kanyang fans na mag-react sa kanyang old videos, kabilang diyan ang kanyang performance at guesting sa dating QTV talk shows na Moms at The Sweet Life, at fan-made videos nila ng kanyang love team na si Ken Chan.

Sa unang video, binalikan ni Rita ang kanyang guesting sa Moms na umere noong February 8, 2008 kung kailan 13 taong gulang pa lang ang singer/actress. Matatandaang sina Manilyn Reynes, Sherilyn Reyes, at Lani Mercado ang hosts ng nasabing defunct talk show.

Makikita rito na kinanta ni Rita, na may screen name pa noon na Rita Iringan, ang "Stand Up For Love" ng Destiny's Child.

May sakit si Rita nang pinerform niya ang hit song kaya mababa ang kanyang tono.

"Nakakatawa, una masyadong mababa 'yung key, binabaan ko s'ya. Lagi ako gumagawa ng dalawang key sa isang minus one kasi gumagawa ako ng isang lower key when I'm sick para mas makapag-perform nang maayos," ani ng Kapuso star.

Paliwanag pa niya, "Mahirap kasi talaga kumanta most especially when you have colds, coughs. Obviously, may sakit ako no'n, may sipon kaya ako nag-one key lower but it's too low.

Katwiran ni Rita, takot siyang pumiyok noon kapag kumakanta pero natutunan naman daw niya itong malagpasan.

"Sana kinanta ko 'yun nang mas mataas ng konti kasi no'ng bata ako, takot talaga 'kong bumirit. Takot na takot ako kasi feeling ko lagi akong pipiyok, feeling ko lang 'yun. Pero I think na-conquer ko naman na 'yung fear ko na 'yun now na kailangan pumiyok talaga ko para malaman ko kung piyok-range ko 'yun o hindi."

Sa sumunod naman na video na kanyang ipinakita, mapapanood ang sitdown interview niya kasama ang The Sweet Life hosts na sina Lucy Torres-Gomez at Wilma Doesnt noong February 24, 2009.

Ang tema ng segment ay "the right makeup for teens."

This time, hindi nahiyang punahin ni Rita ang kanyang pagsasalita at gestures on-cam na ika niya ay "trying hard."

Reaksyon niya, "Bakit ang arte ko. Bakit gano'n 'yung boses ko ang pangit, bakit ang liit at ang nipis?

"'Kala mo naman dalaga na e. Ang arte-arte talaga, nakakapikon."

Sabi pa ni Rita, "Nakakapikon pala talaga 'ko no'ng bata ako, nakakaawa. Sinasabi sa 'kin 'yan dati, 'kala ko niloloko lang ako, nakakaasar pala talaga."

Panoorin ang buong vlog dito:

Taong 2005 nang nagsimula si Rita sa showbiz. Ito ay matapos siyang sumali at manalo sa QTV singing competition na Popstar Kids.

Bukod sa pagkanta, nakilala rin si Rita bilang isang magaling na aktres.

Higit siyang nakilala sa larangan ng pag-arte nang gampanan niya ang role bilang Aubrey sa 2018 GMA series My Special Tatay.

Narito pa ang iba pang dating Kapuso child stars na naging successful sa kanilang showbiz career: