Showbiz News

Rabiya Mateo, ikinuwento kung paano hiniram ang 'lucky earrings' ni Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach

By Bong Godinez

Handang-handa na si Miss Universe Philippines 2020 Rabiya Mateo na sumabak sa paparating na Miss Universe pageant.

Gaganapin ang 69th edition ng prestihiyosong pageant sa May 16 sa Seminole Hard Rock Hotel and Casino sa Hollywood, Florida, USA.

Dumating sa Amerika si Rabiya nung April 9 matapos magpasya na umalis ng Pilipinas nang mas maaga para hindi na rin maipit kung sakaling magkaroon ng pagbabago sa flight and travel protocols dahil sa pandemya.

Naging busy naman agad ang beauty queen pagdating sa Amerika at puspusan rin ang pagbibigay ng updates ng Miss Universe Philippines (MUP) organization sa mga ginagawang paghahanda ni Rabiya na isa sa early favorites na posibleng mag-uwi ng korona.

Tuluy-tuloy rin ang training ni Rabiya at ginagawa niya ito virtually sa tulong pa rin ng MUP.

Aminado si Rabiya na halo-halo ang kanyang nararamdamang emosyon habang papalapit na nang papalapit ang pageant date.

“There is added pressure in being a crowd favorite. But now it's all about destiny. That's why I'm really praying hard that the stars will be aligned again for me on May 16. But I'm happy, it's a good pressure,” paliwang ni Rabiya nang makausap ito ng media ngayong umaga, May 5.

On a lighter note ay ikinuwento rin ni Rabiya ang tungkol sa hikaw na ipinabaon sa kanya ni Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach bilang lucky charm.

“This is a funny story kasi parang may hula na sabi na if you really want to win, dapat manghingi o manghiram ka ng gamit from the former Miss Universe winners,” nakangiting sabi ni Rabiya ng tanungin ng GMANetwork.com.

Sa kasalukuyan ay may apat na Miss Universe titlists ang Pilipinas at ito ay sina Gloria Diaz (1969), Margarita Moran (1973), Pia Wurtzbach (2015), at Catriona Gray (2018).

“So ako talaga hindi na ko nahiya, nag-message ako kay Ms. Pia. Sabi ko 'Ms. Pia baka meron ka namang something na mapapahiram sa akin.'

“I mean there's nothing wrong about it. I just want to make sure na at least wala akong pinalagpas na pagkakataon and Ms. Pia is so kind, pinahiram niya sa akin 'yong earrings na ginamit niya during [the] Miss Universe [pageant in 2015]. So iyon 'yung parang agimat na dala-dala ko ngayon.”

Isa rin sa pinagkukunan ng lakas ngayon ni Rabiya ay ang kanyang pamilya lalo na ang kanyang ina na si Christine Mateo.

“'Yong mom ko kasi she will always remind me to have a humble heart, that regardless of the result, she is already proud of me,” pahayag ni Rabiya.

“Wala naman kaming background sa show business so this is all new to us and iba rin ang epekto sa nanay 'pag nakikita niya ang anak niya in the spotlight, sometimes nabu-bully, sometimes naba-bash.

“But my mom will always tell me that regardless of the results, you made a lot of Filipinos proud and kung ikaw 'yong manalo, have the heart to accept the responsibility. Pero 'pag hindi ikaw, you still continue with your purpose in life.”

Samantala, balikan ang naging journey ni Rabiya at kung paano siya naging pambato ng Pilipinas para sa Miss Universe 2020 sa gallery na ito: