Showbiz News

Luke Conde, excited nang magkaroon ng projects bilang Kapuso

By Maine Aquino

Excited na si Luke Conde na simulan ang bagong chapter ng kaniyang showbiz career bilang isang Kapuso.

Si Luke ang pinakabagong celebrity na pumirma sa GMA Artist Center.

Sa kaniyang exclusive na mensahe na ipinadala sa GMANetwork.com, nagpasalamat si Luke sa mainit na pagtanggap sa kaniya bilang bagong Kapuso star.

"Una sa lahat thankful po ako sa opportunity na ibinigay ng Kapuso Network. Excited po ako dahil isa na akong Kapuso. I can't wait na maka-work ang mga artists and mga tao sa likod ng camera."

Photo source: Luke Conde

Inamin ni Luke na pakiramdam niya ay nagsisimula ulit siya sa showbiz dahil sa paglipat niya sa GMA Network.

Saad niya, "Pakiramdam ko i-introduce ko po ang aking sarili sa mga Kapuso po natin."

Ikinuwento ni Luke na gusto niyang makapagpakita ng kaniyang talento sa pag-arte at pagho-host ngayong isa na siyang Kapuso.

"Kung mabibigyan po ako ng chance, siguro po mapakita ko po 'yung acting skills ko dahil yun po talaga ang gusto kong gawin since nagsimula po akong mag artista. As well as sa hosting din naman po alam ko po na kaya ko rin po yung gawin."

Dugtong pa ng aktor, gusto niya sana maipakita ang kanyang talento sa isang drama series.

"Gusto ko pong makagawa ng mga drama dahil 'yung pag arte po talaga ang first love ko. And siyempre gusto ko rin pong maging part ng mga projects na pwede pa rin po akong makapag-host."

Pagdating sa mga shows ay bukas siya sa kung ano mang proyektong ibigay sa kaniya. May ilan ring binanggit na Kapuso shows si Luke na gusto niyang subukan.

Pag-amin ni Luke, "Kahit saan pong existing drama open naman po ako basta po work, pero exciting po 'yung First Yaya. Pwede rin po sa All-Out Sundays para makapag host pa rin po ako."

Pagdating sa mga Kapuso stars, may dalawang talented Kapuso actresses siyang gustong makatrabaho.

Saad ni Luke, "Gusto ko pong makatrabaho si Rhian Ramos and Klea Pineda. Pakiramdam ko po exciting po silang makasama sa drama series dahil magagaling po silang mga aktres."

Kilalanin ang iba pang Kapuso stars na dapat abangan ngayong 2021: