Showbiz News

Sanya Lopez, handang talikuran ang career sa GMA-7 para maging beauty queen?

By Aedrianne Acar

Si First Yaya, magiging beauty queen?

Mukhang hindi pa mangyayari ito kung tatanungin ang Kapuso actress na si Sanya Lopez nang makapanayam ito sa 24 Oras kung plano ba nitong sumali sa isang beauty pageant.

Hindi maitatanggi na malaki ang potensyal ni Sanya, lalo na at nakita ng manonood ang likas na ganda nito nang magsuot siya ng bikini at evening gown sa high-rating primetime series niya na First Yaya.

Ayon kay Sanya nang makapanayam ni Lhar Santiago, wala pa raw sa plano niya ang pasukin ang mundo ng beauty pageants.

Paliwanag niya sa Chika Minute, “Actually, gusto ko naman ma-explore 'yung part na 'yun--yung pagiging beauty queen.

“Kaya lang talaga sabi ko ngayon na maganda 'yung binibigay sa akin ng GMA Network, marami akong projects na ginagawa sa ngayon, dahil sa GMA, e, talagang ang hirap iwanan po talaga.”

Dagdag niya, “Sabi ko, kapag pinalad tayo, of course, at binigyan [ng chance at] doon tayo papunta, e di, tignan 'di ba?”

Nakakataba naman daw ng puso ayon kay Sanya ang mga nagsasabi na hawig niya ang reigning Miss Universe Philippines 2020 na si Rabiya Mateo.

Binalikan tuloy ng Kapuso primetime star nang minsan sila magkita ni Rabiya noon.

Pagbabalik-tanaw niya, “Nagkita kami noon, kaya kami nagkagulutan parang, 'Uy!'

“Iisa reaksyon namin nung nagka-ganunan kami talaga Tito Lhar as in pareho kami nakatitig lang sa isa't-isa, tapos doon palang kami nag-hi, hello.”

Nakuwento din ng TikTok star na nabanggit ng Ilongga beauty queen ang similarities nila nang makapag-usap.

“'Hi!', sabi ko, 'Ikaw si Rabiya 'di ba?'

“Sabi niya, 'Yes po, Miss Sanya Lopez' gumanun siya, sabi ko, 'Hi and congratulations.'

“Sabi niya ang dami daw nagsasabi sa amin na magkamukha kami para siyang nagulat din noong nagkita kami.”

Tutukan ang lalo pang gumagandang kuwento ng First Yaya weeknights sa GMA Telebabad, pagkatapos ng 24 Oras.