Showbiz News

Surprise hit K-Drama of 2020 na 'Lie After Lie,' parating na sa GMA!

By Marah Ruiz

Parating na ang surprise hit K-Drama ng 2020 na Lie After Lie sa GMA!

Kuwento ito ni Eunice (Lee Yoo-ri), na maaakusahang pumatay sa kanyang asawa.

Dahil sa krimen, makukulong siya sa loob ng sampung taon. Pero bago pa man masintensiyahan, nagdadalantao pala si Eunice at sa kulungan na aabutan ng panganganak.

Ipapagkatiwala niya ang kanyang anak na si Emma (Go Na-hee) sa kanyang mother-in-law na si Diana (Lee Il-hwa).

Habang nakabilanggo, ilalapit ni Eunice ang kaso niya sa batikang journalist na si Anthony (Yeon Jung-hoon). Ito lang kasi ang naniniwala na may foul play at na-set up lang si Eunice. Pero bigla na lang mapuputol ang komunikasyon nilang dalawa.

Matapos ang maraming taon, matatapos din ni Eunice ang kanyang 10-year prison sentence. Sa kanyang paglaya, hahanapin niya ang anak na si Emma.

Ikagugulat niyang inampon na pala ito ni Anthony! Kaya naman sisikapin niyang mapalapit kay Anthony para mapalapit din kay Emma.

Ang tanging layunin ni Eunice ay mapangasawa si Anthony para maging stepmom ni Emma. Pero sa pagbuo niya ng bagong buhay matapos makalabas ng kulungan, matutuklasan niyang maraming mga sikreto sa likod ng kanyang pagkakakulong at may kinalaman lahat ng ito sa kanyang mother-in-law na si Diana.

Paano mo mahahanap ang katotohanan kung nabuhay ka sa patong-patong na kasinungalingan?

Abangan 'yan sa Lie After Lie, malapit na sa GMA!