Showbiz News

KMJS: 16-anyos na dalaga, nagmukha na raw 50-anyos?

By Bianca Geli

Mula sa pagiging kontesera sa edad pa lamang na katorse, unti-unting tumanda ang hitsura ng 16-anyos na si Raizel na mula sa Arakan, Cotabato.

Kilala si Raizel sa pagsali ng mga beauty contests sa lugar nila dahil sa kanyang kagandahan.

Pero noong 2019, nang naging 16-anyos na siya, hindi maipaliwanag ni Raizel kung bakit nagsimulang magkaroon ng pagbabago sa kaniyang hitsura.

Sa pagsapit ng 2021, nagmukha na raw 50-anyos si Raizel.

Sa episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho nitong nakaraang Linggo, kapansin-pansin na kahit 16-anyos pa lang si Raizel ay kulubot na balat sa kanyang mukha, leeg, at katawan.

Nagkaroon din daw si Raizel ng pananakit ng likod kapag tumayo matapos ang matagal-tagal na pagkakaupo.

Ang kaniyang 36-anyos na ina na si Joela, hindi mapigilan na mangamba sa nangyari kay Raizel, lalo na at sinasabihan siya ng mga tao na mukhang matanda pa sa kanya ngayon ang anak.

"Sobrang sakit po, kasi kapag sinasabi nila na mukhang mas matanda pa sa'yo.

"Minsan naiisip ko po noon na kapag lumaki na siya magiging napakaganda niya kasi noong baby pa s'ya ang ganda-ganda niya."

Nagsimula raw sa makating pantal ang pagbabago ni Raizel.

Noong 2019, nagkaroon siya ng pamumula o pagpapantal sa katawan na kalaunan ay nangulubot.

At mula noon, unti-unting nagbago ang kanyang hitsura.

Kaya naman kahit wala pang pandemya, gumagamit na raw ng face mask si Raizel at balot ang kanyang katawan para itago ang kanyang hitsura.

"Nagtatanong 'yung mga tao kung ano nangyari, bakit ako nagmukhang matanda.

"Hindi na lang po ako kumikibo kasi hindi ko rin alam kung ano na ang nangyari," ani Raizel.

Sa unang pagsusuri ng doktor kay Raizel, lumilitaw na nagtataglay ng pambihirang kondisyon ang dalaga na kung tawagin ay "Progeria."

Ang nasabing kondisyon ay nagdudulot ng pagbilis ng pagtanda ng katawan ng isang tao at mayroon pa lamang umanong 200 dokumentadong kaso sa buong mundo.

"We only have 200 documented cases around the world for Progeria," saad ng clinical endocrinologist na si Dr. James Young.

Dagdag niya, "Ang most prominent manifestation sa patient is the wrinkling or aging ng skin."

Ayon din kay Dr. Young, kasabay ng pagtanda ng hitsura ni Raizel, mabilis din ang pagtanda ng buong katawan niya kaya maaaring mas kapitan siya ng mga sakit.

Kaya kailangan pa niyang sumailalim sa iba pang laboratory tests.

May pag-asa pa kayang magamot si Raizel at maibalik ang bata niyang hitsura? Tunghayan ang buong istorya sa video ng KMJS.

Ang kanya kasing balat sa mukha, leeg, mga braso at tiyan, biglang nangulubot! Paano ito nangyari?

Panoorin dito:

Patuloy na panoorin ang KMJS tuwing Linggo, 8:40 PM sa GMA Network.

Samantala, narito ang ilang trending stories ng Kapuso Mo, Jessica Soho: