Showbiz News

Buboy Villar, nagkuwento tungkol sa pagiging batang ama

By Aimee Anoc

Isa si Buboy Villar sa mga hinahanggaang aktor dito sa bansa. Sa katunayaan ay kinilala ang aktor sa Guam International Film Festival noong 2015 bilang “Best Actor” para sa pelikulang Kid Kulafu.

Nagsimulang makilala si Buboy noong 2008 sa GMA series na Dyesebel at dito na nagsimula ang sunod-sunod na proyekto ng aktor.

Sa kasalukyan, sa edad na 23, isa nang ama si Buboy. Mayroon siyang dalawang anak na sina Vlanz Karollyn Villar at George Michael Villar sa dating karelasyon na si Angillyn Gorens. Sa “Toni Talks” ni Toni Gonzaga, ibinahagi ng aktor ang kanyang buhay at karanasan bilang isang batang ama.

Pagdating sa pag-ibig, isa si Buboy sa mga nakaranas ng “love at first sight” dahil ito ang nangyari noong una niyang makita si Angillyn.

Nagkakilala ang dalawa sa set ng GMA series na The Half Sisters kung saan isa si Buboy sa cast at cameo role naman ang ginampanan ni Angillyn. Walang pag-aalinlangan na ipinaalam ng aktor ang kanyang pagtingin para kay Angillyn na itinuturing nitong “first tue love.” At makalipas ang ilang buwan ay opisyal inanunsiyo ng dalawa ang kanilang relasyon.

Dahil sa long-distance relationship kung saan si Angillyn ay nasa Amerika, buong lakas ng loob na sinabi ni Buboy kay Angillyn na magsama nalang sila sa Pilipinas. Lumipad naman papuntang Pilipinas si Angillyn, ngunit hindi alam ng mga magulang nito na magsasama na sila ni Buboy.

“Which is mali. Alam namin na mali 'yun, na ginawa namin 'yung gusto lang namin. Hindi namin pinakinggan 'yung mas nakatatanda sa amin,” pag-amin ni Buboy sa agarang desisyon ng pagsasama nila ni Angillyn.

Dumating ang hindi inaasahang pangyayari at sa edad na 17 ay naranasan nina Buboy at Angillyn na maging isang magulang. Sa loob ng mahigit apat na taong pagsasama, noong October 2020, inanunsiyo ng dalawa ang kanilang paghihiwalay.

“Nagkamali man ako sa mga past na nagyari sa akin pero hindi ko na kailangan pang tingnan iyon pabalik kasi naging aral na iyon. Sa buhay na ito, may mangyayari talagang hindi maganda, mayroong mangyayaring maganda, o puro magaganda. Pero hindi ako nag-e-expect na sa buhay ko na 'to na laging magaganda ang mangyayari,” pagbabahagi ng aktor.

Ikinuwento rin ni Buboy ang kanyang naging simula kung saan ay isa lamang siyang basurero noon sa Cebu at hindi inaakalang magiging child actor siya. Limang taon nakipagsapalaran si Buboy at ang buo niyang pamilya sa Maynila.

“Unang-una sa lahat, thank God, na hindi ko akalaing magiging artista po ako. Kasi unang-una galing ako sa pagbabasura. Galing ako ng Cebu, sinong bang aakalain na magiging artista ang isang basurero? Sumasama ako sa tatay ko noon.

"Madaling araw pa lang bumibiyahe na kami sa Cebu. Umiikot na kami kasi ang basura 'yung mga truck nu'n ang labas tanghali na, so inuunahan na namin,” kuwento ni Buboy sa kanyang naging karanasan noong four years old pa lamang siya.

Ang karanasan na ito ng aktor ang kanyang naging inspirayon para patuloy na lumaban sa buhay, na walang imposible basta pagsikapan mo. At ngayong isa nang ama si Buboy, isa sa magagandang aral ng kanyang buhay ay ang kanyang mga anak.

“Unang-una sa lahat na dapat ingatan natin ang sarili natin kasi kapag hindi natin iningatan ang sarili natin, paano na 'yung mga anak natin? Paano na 'yung future nila? Ayokong lumaki 'yung mga anak ko na kung ano man 'yung pinagdaanan ko. Hindi ko puwedeng i-judge 'yung anak ko na kapag lumaki kayo hindi n'yo kaya 'yung pinagdaanan ko. Hindi e. Kasi iba-iba naman 'yung path namin,” sagot ng aktor sa mga aral na natutunan niya sa kanyang mga anak.

Ibinahagi rin ng aktor ang saloobin ng kanyang three-year-old na anak na si Vlanz Karollyn sa tuwing may lock-in taping siya tulad na lamang nang huli niyang series na Owe My Love.

“Papa hindi mo na 'ko miss. Hindi ka na umuuwi rito,” pagkukuwento ng aktor sa sinabi ng anak. Hindi naman naiwasang maiyak ni Buboy sa sinabing iyon ng anak lalo na't unang beses niyang makaranas ng ganoong pakiramdam na maging isang ama.

“Ang sarap na masakit. Kasi may anak ako na ganu'n, na sobrang sweet. Kasi wala namang naghahanap noon. Tapos masakit kasi wala ako roon. Kumbaga kailangan kong gawin 'yung trabaho ko. Kailangan kong magsakripisyo para sa kanila,” dagdag pa ni Buboy.

Sa ngayon, nasa magulang ni Buboy ang kanyang dalawang anak at hindi nito makasama dahil palagi siyang nasa labas para sa trabaho at negosyo.

Balikan ang timeline ng pagsasama nina Buboy at Angillyn sa gallery na ito: