Showbiz News

Arra San Agustin, dama ang alaga ng GMA Artist Center

By Marah Ruiz

Nananatiling Kapuso ang aktres na si Arra San Agustin matapos niyang mag-renew ng kontrata sa GMA Artist Center ngayong araw, July 7.

Para ipagdiwang ang kanyang contract renewal, humarap si Arra sa isang virtual event kasama ang ilang piling miyembro ng media, kabilang ang GMANetwork.com.

Dito, ibinahagi niya ang pag-aalagang nadama niya mula sa GMA Artist Center kahit noong nagsisimula pa lang siya bilang isang artista.

"'Yung [GMA] Artist Center, natulungan po nila ko na i-discover 'yung sarili ko, hindi lang as an actress but also as me--as Arra, as myself. Sila kasi, sobrang maaalaga sila sa aming mga artista," pahayag ni Arra.

Ang GMA Artist Center daw ang humubog sa kanya matapos ang kanyang stint sa season six ng reality artista search na StarStruck.

"'Yung StarStruck, although may mga workshops din kami doon, may mga pinagdaanan kaming mahihirap na challenges--may acting, dancing and singing kami na mga ginawa doon--pero siyempre hindi pa siya sapat para mas maging brilliant actors kami," paggunita niya.

Kaya naman lubos ang pasasalamat niya sa mga resources na ibinigay ng GMA Artist Center para maging mas mahusay na aktres.

"'Yung [GMA] Artist Center, nag-provide sila sa amin ng mga workshops. Ang dami pinrovide na mga talks, mga seminars, mga talks online. Before pa ng pandemic, nagbigay din sila, pinapa-attend din nila kami," kuwento ni Arra.

"Sobrang laking bagay noon kasi sa industriyang ito, napakalawak. Ang dami naming kailangang i-explore. Ang dami naming kailangan puntahanan. Ang dami namin kailangan aralin. Sobrang helpful lang na nandiyan sila, sinusuportahan kami para sa mga kailangan pa naming matutunan para mas mag-improve pa kami as an actor, as a person," dagdag pa niya.

Kasalukuyang naka-quarantine sa isang hotel si Arra habang hinihintay magsimula ang lock-in taping ng kanyang upcoming action-adventure series na Lolong.

Excited na raw si Arra na ipakita ang karakter Bella, ang role niya sa serye.

"Si Bella dito--isa lang ang masasabi ko--hindi siya pa tweetums, which I like. Hindi na siya 'yung parang mga sweet girl. Mas palaban na siya dito. Ang hirap magkuwento nang hindi ko ma-spoil. I guess abangan niyo na lang guys," lahad niya.

Masaya din siya na makakasama niya dito ang kanyang mga I Can See You: On My Way To You co-stars na Shaira Diaz at Ruru Madrid.

"There is Elsie, 'yung character ni Shaira, and there is Bella na character ko, and there is Lolong. Basically, magkakaroon ng parang dalawang leading ladies si Lolong dito. Abangan po natin 'yung mga istorya na iikot sa kanilang tatlo," bahagi ni Arra.

Samantala, mamangha sa angking ganda ni Arra sa gallery na ito: