Showbiz News

Jo Berry, bibida muli sa teleserye

By Jansen Ramos

Muling mapanonood si Jo Berry sa telebisyon matapos ang mga high-rating teleserye na Onanay at The Gift.

Bibida si Jo sa isang drama series na kapupulutan ng inspirasyon dahil siya ay little person na may malaking pangarap.

Gusto niyang maging successful businesswoman at magkaroon ng sariling kumpanya.

Gagawin niya ang lahat para mabigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya kaya naman maging ang online gaming ay pinasok na niya.

Bigatin ang makakalaban niya sa isang online gaming tournament pero huwag maliitin ang maliit na bida dahil walastik pala ito sa paglalaro ng 'Magic Legends.'

Magkakaroon pa ng endorsement deal ang karakter ni Jo mula sa isa sa mga sponsor ng tournament.

Ang pagkapanalo niya ay siyang magiging mitsa ng pag-unlad ng kanyng buhay dahil madidiskubre ng maliit na bida na siya ay heredera pala.

Hindi tulad ng mga nakagawian niyang role sa mga nakaraang proyekto, dito ay single at dalaga si Jo na ma-i-involve sa isang love triangle kasama sina Juancho Trivino at Rodjun Cruz.

Bukod sa love triangle, aabangan din ang pagganap ng mga batikang aktor na sina Angelika Dela Cruz, Jenine Desiderio, at Jestoni Alarcon.

Ipakikilala rin sa serye ang bagong Kapuso actress na si Gabrielle Hahn, na tiyak na kagigliwan din ng mga manonood.

Ito rin ang unang proyekto ng bagong Kapuso na si Tess Antonio.

Ang upcoming series ay sasailalim sa direksyon ni L.A. Madridejos.