Showbiz News

'The Good Daughter,' muling mapapanood sa GMA Afternoon Prime

By Aimee Anoc

Muli nang mapapanood sa GMA Afternoon Prime ang 2012 drama series na minahal ng lahat, ang The Good Daughter.

Simula ngayong Martes, July 27, mapapanood muli si Bea Guevarra, na gagampanan ni Kapuso actress Kylie Padilla, isang kahanga-hangang babae na titiisin ang lahat ng hirap para sa pamilya at minamahal.

Nagsimulang magbago ang masayang pamilya ni Bea nang mamatay ang kanyang ina na si Tina Atilano-Guevarra (Glydel Mercado) at muling nag-asawa ang kanyang ama na si Rico Guevarra (Raymond Bagatsing) ng babaeng hindi niya gusto.

Sa kanyang 18th birthday, isang malaking sorpresa ang inihanda ng kanyang ama para sa kanya at kasama na rito ang pagpapakilala sa bago nilang pamilya, si Sharon Reyes (Alicia Mayer) at ang anak nitong si Julia Guevarra (Angelie Nicole Sanoy).

Dahil sa pangyayaring ito, umalis ang nanay ni Bea sa party at hindi inaasahang maaksidente. Sinisi naman ni Bea ang kanyang ama sa pagkamatay ng ina, na napilitan lamang na magpakasal kay Sharon.

Nang makasama ni Bea sa iisang bahay sina Sharon at Julia, dito na lumabas ang tunay na pag-uugali ng mga ito. Kapag wala ang kanyang amang si Rico, minamaltrato si Bea nina Sharon at Julia kaya naman napilitan siyang umalis at pumunta na lamang sa bahay ng kanyang lola sa probinsya.

Subalit, sa pananatili sa bahay ng kanyang lola, nalaman ni Bea na may malalang sakit na pala ang kanyang ama at unti-unting kinukuha ni Sharon ang kompanya nila. Habang tinutuklas ang kasamaan ni Sharon, nalaman na rin ni Bea ang katotohanan sa pagkamatay ng kanyang ina kaya naman nagdesisyon itong bumalik sa kanila at muling makasama ang ama.

Sa pagbabalik ni Bea sa kanilang bahay, makakaya ba niyang harapin si Sharon at protektahan ang kanyang ama? Mababawi niya pa kaya ang kompanyang para naman talaga sa kanya? Makakamit pa kaya ni Bea ang isang masayang buhay at pamilya?

Abangan ang lahat ng ito sa pagbabalik ng The Good Daughter sa direksiyon ni Mike Tuviera ngayon July 27, 4:15 p.m. sa GMA Afternoon Prime.