Showbiz News

FLASHBACK: Hidilyn Diaz manifested historic Olympic gold win

By Jansen Ramos

Nagdiwang ang buong Pilipinas matapos masungkit ng Pinay weightlifting champion na si Hidilyn Diaz ang unang Olympic gold medal para sa bansa.

Nitong Lunes, July 26, nagwagi siya sa women's 55-kg weightlifting event sa 2020 Summer Olympics na ginanap sa Tokyo International Forum sa Japan. Pumuntos si Hidlyn ng kabuuang 224 kilograms para mahigitan si Liao Qiuyun ng China.

Bukod sa matinding training, nanaig ang pagiging positibo ni Hidilyn na naging bentahe niya para makapag-uwi ng karangalan sa bansa.

Sa inilabas na exclusive feature ng GMANetwork.com tungkol sa atleta noong January 31, 2019, ipinahayag ng Zamboanga native ang kanyang paniniwala na malaki ang kanyang tsansang makamit ang kauna-unahang Olympic gold medal para sa Pilipinas.

“Kine-claim ko na, mananalo ako ng gold medal!”

HIndi naging madali ang prosesong pinagdaanan ni Hidilyn. Gayunpaman, kaakibat ng kanyang positive mindset, ginamit niyang sandata ang pananampalataya sa Diyos.

“Please, please, please pray for me, for the journey na kailangan kong tahakin, na ma-survive ko po yung training. Mahirap kasi ang proseso, madali na lang yong moment kasi ibibigay naman 'yon sa 'yo ni Lord kung para sa 'yo talaga.

“Sana hindi ako mag-give up sa gitna ng hirap ng training, sa pagod, sa lahat ng intriga, negativity. Sana si God ang mag-uplift sa puso ko at sa kung ano man ang goal ko sa buhay.

“Naniniwala ako na with God, nothing is impossible.”

Hindi rin itinanggi ni Hidilyn na nakaramdaman siya ng pressure habang naghahanda para sa 2020 Tokyo Olympics lalo pa't ang gold medalist ng Rio 2016 na si Hsu Shu-Ching ng Chinese-Taipei ay retired na.

"Lahat nag-e-expect na mananalo ako ng gold.

“Lahat ng atleta pangarap 'yan. Pero ako mismo, naniniwala sa sarili ko at ginagawa ko ang lahat para manalo tayo."

Sa hiwalay na artikulong inilabas ng GMANetwork.com noong February 1, 2019, ipinahayag ni Hidilyn ang hangaring lumagay sa tahimik pagkatapos ng prestihiyosong torneyo.

“Yes yun ang nakikita ko na exit ko siya. Gusto ko rin mag-asawa, magpakasal.

“Gusto ko rin magkaroon ng simpleng buhay.

“Hindi ko pa alam ang magiging future ko after Tokyo 2020. Pero I will do my best first sa 2020.

“One step at a time lang muna tayo. Yun muna ang focus ko ngayon.”

Nakapanayam ng GMANetwork.com si Hidilyn sa event ng PeopleAsia Magazine kung saan kinilala siya bilang "People of the Year" noong 2019.