Showbiz News

Jang Na-ra's 'Oh My Baby,' mapapanood na sa GMA

By Aimee Anoc

Simula August 30, mapapanood na sa GMA ang isa sa Korean series ni award-winning actress Jang Na-ra na 'Oh My Baby.'

Makakasama rin ni Jang Na-ra sa dramang ito ang mga aktor na sina Go Jun, Jung Gun-joo, at Park Byung-eun -- ang kanyang leading men.

Dahil sa pagka-workaholic, walang panahon si Charie (Jang Na-ra) na maasikaso ang kanyang buhay pag-ibig kaya naman sa edad na 39 ay single pa rin ito.

Nagtatrabaho bilang deputy manager sa isang parenting magazine company na 'The Baby' si Charie. Kahit na maituturing na matagumpay na siya sa piniling career, may kulang pa rin sa pagkatao ni Charie -- ito ay ang pagkakaroon ng anak.

Dahil sa hindi magandang kalagayan ng kanyang kalusugan, binalaan si Charie ng kanyang doktor na maliit na ang tyansa nitong magkaroon ng anak. Pero desidido pa rin ito na subukan at gawin ang lahat ng paraan para lamang mabiyayaan ng anak.

Pero paano nga ba ito magagawa ni Charie kung hanggang ngayon ay wala pa rin siyang asawa, o nobyo man lamang?

Mabibigyan ng pag-asa si Charie sa pagdating nina Christian (Go Jun), Gerry (Park Byung-eun), at Darren (Jung Gun-joo).

Nagtatrabaho bilang isang freelance photographer si Christian. Makikilala niya si Charie nang kuhanin siya bilang photographer ng kanyang kaibigan sa 'The Baby.' Siya na kaya ang lalaking kasagutan sa kahilingan ni Charie?

Isa namang pediatrician si Gerry at single dad sa kanyang anak na babae. Kababata rin ni Gerry si Charie at malapit ang pamilya nila sa isa't isa. Dahil sa walang mapag-iiwanan ng anak sa tuwing siya ay magtatrabaho, inalok ng nanay ni Charie si Gerry na sa kanila na lang muna manirahan. Ginawa ito ng nanay ni Charie dahil nais niyang mas mapalapit pa si Gerry kay Charie.

Baguhang empleyado naman sa 'The Baby' si Darren. Bata man pero may positibong pananaw sa buhay. Dahil sa likas na kakulitan at pagkamasayahin, madaling mapapalapit ang loob sa kanya ni Charie.

Abangan ang 'Oh My Baby,' Lunes hanggang Biyernes, 11:30 a.m, at Sabado, 10:45 a.m sa GMA.