Showbiz News

Mahal, dinalaw ang dating ka-love team na si Mura sa Albay

Muling nagkita ang dating magka-love team na sina Mahal at Mura, o Allan Padua sa tunay na buhay, nang dalawin ng una ang dating kapwa komedyante sa bahay niya sa Guinubatan, Albay.

Kasama ni Mahal bumiyahe mula Metro Manila hanggang Albay ang nali-link sa kanya ngayong indie actor na si Mygz Molino, na nakatambal niya sa dating GMA Telebabad series na Owe My Love.

Matatandaan na naging viral kamakailan si Mura dahil sa vlog ng OFW na si Virgielyn kung saan nanawagan ang dating aktor ng tulong dahil hirap na siya ngayon sa buhay.

Ayon kay Mura, halos maubos na ang naipon niya mula sa showbiz dahil wala na siyang raket ngayon. Nagkaroon din siya ng problema sa kanyang hips na naging dahilan ng hirap niya sa paglalakad.

Sa ngayon, ang koprahan nila sa lupang kanyang nabili ang pangunahing source of income nila ng kanyang pamilya.

Sa vlog ni Mygz, mapapanood ang muling pagkikita nina Mahal at Mura, na dating nagkasama sa GMA primetime series na Darna (2009).

"Mahabang biyahe bago makapunta sa bahay ni Mura na halos maligaw na pero sulit dahil nakita namin muli ang nag-iisang Mura sa mundo ng showbiz," sabi ni Mygz sa description ng kanyang vlog.

Source: Courtesy of Mygz Molino on YouTube


Nang kumustahin ni Mahal sa Mura, sabi ng huli, "Ayun, hindi ako makapag-work dahil sa paa ko [tapik sa kanang binti], medyo lumiit na kasi at mas umikli pa siya. Parang humina na siya pati dito [tapik sa kanang braso].

"Dati, lumakas na siya kaso nagkaroon ng parang crack sa hip ko. Naaksidente ako noong 2010 [sa tricycle]. 'Tapos kinast siya. Lumakas naman siya pero talagang umikli naman siya.

"Lumakas naman siya ulit, naghilom naman siya. 'Tapos noong lumipas na mga taon, ayun humihina pa rin siya. Kaya mabagal akong maglakad ngayon, parang isang taon na naglalakad. Kapag medyo pababa, nahihirapan talaga ako maglakad."

Tinanong ni Mygz kung gusto pa ni Mura bumalik sa showbiz, sagot niya, "Kaya ko pa. Pero ang gusto ko lumakas ulit yung mga paa ko muna."

Panoorin ang masayang reunion nina Mahal at Mura rito:




Samantala, alamin kung sino si Mygz Molino sa buhay ni Mahal sa gallery na ito: